“You should dance with
the devil, the devil don’t change, the devil change you…” ~ Max California
(8mm)
Nagsimula ang lahat
taong 1999 nang mapanood ni Jonard ang pelikulang 8mm sa sinehan, may kung
anong kumatok at bumagabag sa kanyang kamalayan nang mabanggit sa nasabing
pelikula ang Pilipinas patungkol sa pag gawa ng snuff films. “Totoo kaya ‘yun?
Meron kaya talagang gumagawa nun dito? Grabe anong klaseng demonyo ang pumasok
sa isip ng mga taong gumagawa ng ganun?”, tanong niya sa sarili.
Sakto alas-otso ng gabi
nang lumabas sa sinehan si Jonard. Tulala, lutang at lumilipad ang isip habang
naglalakad pauwi. Nakayuko siyang naglalakad dahan-dahan nang siya ay mapatapat
sa isang abandonadong bahay na nasunog ilang dekada na ang nakararaan malapit
sa kanilang lugar. Pinagmasdan niya iyon sandali, wala naman siyang nakitang
kakaiba, hindi rin siya nakaramdam ng sindak o takot subalit napukaw ang
kanyang atensyon ng isang bandalismo na nakasulat sa gate mismo nito “DEMONYO”,
malaki ang titik nun at may malaking letrang X sa gitna, pula ang pinampintura.
Katulad ng karaniwang
bara-baranggay na may kanya-kanyang ghost stories, etong bahay na ito sa lugar
nila Jonard ang tampulan ng katatakutan at kababalaghan. Balita kasing
misteryoso itong nasunog sa hindi maipaliwanag na kadahilanan, wala rin
makapagsabi sa mga taga-roon kung sino o ano talaga ang nangyayari sa loob ng
bahay na iyon nung panahong hindi pa ito nasusunog. Kwento ng mga matatanda sa
kanila, madalas daw makarinig doon ng mga iyak, sigaw, at pagmamakaawa roon. At
nang masunog nga ito at tuluyang naging bakante, may mga nakakakilabot daw na pangitain
ang makikita roon kaya bawat nagdaraan doon na sasakyan ay bumubusina o kung
naglalakad naman ay nag-a-antanda sa krus.
Sa kabila ng mga
nalalaman ni Jonard tungkol sa sunog na bahay na ito, hindi siya nagpaawat,
inakyat niya ang bakod at pumasok sa loob.
Tanging ilaw sa street
light at liwanag ng buwan ang tumatanglaw kay Jonard habang inaakyat ang
marupok na hagdan papasok sa bahay. Malamig ang hangin sa loob at malalanghap
pa din ang amoy ng mga sunog na kahoy, abo at ibang kagamitan sa loob…
Tangan-tangan ni Jonard
ang kanyang lighter papasok sa basement ng bahay. Umandar ang kanyang
imahinasyon at pagkatamang hinala na baka may makita siyang torture chamber
doon. Pero wala. Umakyat siya sa 2nd floor, pumasok sa isang kwarto.
Natagpuan niya ang isang sunog na kama, kalahati na lang ang foam niyon. May
cabinet buo pa, at ilang papel-papel sa may sulok. Sinimulan niya iyong
halungkatin sa pagbabakasakaling may mabasa siyang importanteng bagay tungkol
sa bahay na ‘yon, hanggang sa makita niya ang isang medyo sunog na diary.
Pinagpag niya iyon at
sinimulang basahin.
November 3, 1973 11pm
Hindi ako makatulog,
naririnig ko na naman ang mga panaghoy na nagmumula kung saan. Nakakabingi,
nakakarindi. San ba nanggagaling ‘yun? Ano bang ginagawa nila papa sa may
basement bakit ayaw nila kong papasukin roon at tuwing kabilugan ng buwan may mga
iyak at pagsusumamo na umaalingawngaw dito sa loob ng bahay? Ewan. Tang inang ‘yan
patulugin nyo ko! Haaay… Makagawa na nga lang ng maikling kwento pampatulog.
Isang lalaki ang
mapapadpad sa isang luma at gutay-gutay na bahay. Dinala siya roon ng kanyang
instinct dahil sa pagiimbistiga niya tungkol sa katotohanan sa likod ng kwento
na kanyang napanood sa 8mm film na bigay ng isang estrangherong nakasalamuha
niya sa parke. Binago nito ang kanyang pananaw tungkol sa space and time,
rituals, dark arts, and black magic.
Shit! Ang ingay talaga!
Hindi na nga makatulog hindi pa makapag-concentrate dito sa sinusulat ko.
Bwisit!
Binalot ng paranoia ang
buong pagkatao ng lalaking ito at talaga namang tumagos sa kanyang mga buto at
tumatak sa isipan ang napanood. Lahat ay kanyang ginawa upang malaman ang
katotohanan rito dahil nais niyang matutuhan ang mahika na idinokumento roon.
Sa pagsasaliksik niya
sa lumang bahay na sinasabing lugar kung saan isinasagawa ang mga ritwal na
kanyang nalaman mula sa matindi at pursigidong pananaliksik nakakita siya ng
isang itim na envelop sa loob ng nangungupas na tukador. Nakaselyo pa iyon.
Agad niyang binuksan at binasa. Isa itong uri ng card na pag binuksan mo ay
tumutunog parang music box na ang tunog na nilalabas ay lalung nagpa-creepy sa
ambiance ng bahay. Scented din ang card na kapag iyong naamoy ay para bang
dinadala ka sa nakaraan at bakas ng kahapon.
Excited niyang binasa
ang liham na para bang siyentipiko na nakahanap ng sangkap para sa kanyang
eksperimento.
Sa Iyo,
Kung sino ka man na
nagbabasa nito ngayon malamang napanood mo ang aming secret video at ikaw ang
bukod tanging nagtagumpay sa paghahanap ng bahay kung saan namin idinaraos angaming
lihim na pagtitipon at mga lihim na ritwal.
Hanggang dito ka na
lang. ‘Wag mo na kaming hanapin pagkat hindi mo na kame makikita pa. Pero dahil
masigasig ka sa paghahanap ng katotohanan, papawiin namin ang iyong uhaw. OO,
totoo lahat nang napanood mo sa video. Delikado ang tinatahak mo, wag ka na
magtangka pa. Marami na kaming nakita mula sa nakaraan at hinaharap. Katunayan habang
binabasa mo to ngayon isang lalaki ang makakabasa ng binabasa mo mula sa isang lumang
diary na siyang mababasa ng ilan sa harap ng isang maliwanag na makina.
Maaalala ng mambabasang
iyon ang isang video na nagpapakita ng tatlong babaeng dahan-dahang pinapatay
sa pamamagitan ng pag-apak ang isang tuta at maiisip niya na baka tama si
Jonard sa kanyang hinala na may mga gumagawa nga ng snuff film sa Pilipinas
katulad ng nabanggit sa napanood niyang pelikula.
Mababasa niya iyon sa
isang sulatin na pinamagatang, Ang Blog na Walang Pamagat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento