Biyernes, Mayo 31, 2013

Episode 10: “Beer Into Blood”


Tilamsik sa Gabing Maligamgam (an Fb broken serye)

Ang Nakaraan…

Parang pinagsakluban ng langit at impyerno si Rogelio nang makita si Genoveva na may kasamang patok na guy na nakasuot ng bukas na polo, may white fit sando, at naka-brush up ang buhok sa kabilang table. Samantala abala si Jobert as a friend sa pagkastigo sa wicked heartless waiter na sa kaibigan ay naniningil.

Biglang tumayo si Rogelio.

“Uy bro sandali san ka pupunta? Maghunos dili ka!”, awat ni Jobert as a friend.

“Hindi ko na kaya ‘to bro, labis-labis na ang aking pagtitiis, ansakit-sakit na…”, malumanay subalit firm na statement ni Rogelio.

“Mapapahiya ka lang kapag ginawa mo ‘yan bro, wala kang karapatan sa kanya!”, nagaalalang payo ni Jobert as a friend sa kaibigan.

“Hindi. May karapatan ako, dahil mahal ko sya mahal na mahal! (at nagsimulang tumulo ang luha sa mga mata ni Rogelio) Kaylangan ko na syang kastiguhin…”, sabay sugod sa table ni Genoveva.

Wala nang nagawa si Jobert as a friend kundi sumigaw ng palakaibigan at mahabang pagpigil na “Brooooooooooooooooooooooooooooo”, with feelings.

Pagdating sa table nila Genoveva, bumanat agad antimano si Rogelio.

“Anong ibig sabihin nito?”

“May alak, may pulutan, may yosi, prayer meeting ‘to tol!”, maaskad na tugon ng guy.

“Wag mo ko pilosopohin ano ibig sabihin nito?!!”, nanggagalaiting bulyaw ni Rogelio habang hinihimas ni Jobert as a friend ang kanyang likuran.

“Gelo let me explain…”, pagsusumamo naman ni Genoveva.

“Sino ka ba ha? Ano bang pake mo kung nagiinuman kame?”, imbyernang sagot ng guy sabay tayo at poste kay Rogelio, harapan na para bang dinudutdot niya ito ng kanyang maskuladong dibdib.

“Ano din pake mo kung sino ko ha?!”, pabulyaw pa din  si Rogelio at patuloy lang sa paghimas ng kanyang likod si Jobert as a friend.

“Wala kong pake kung sino ka, ang tinatanong ko bakit ka nakikialam dito ha?!”, maaskad ule na tugon ng guy sabay bagsak ng kanyang shades sa table.

“Pare mahal ko ‘yang ka-table mo, na-love at first sight ako diyan kaya hindi mo pwede basta-basta ite-table ‘yan, ide-date at aayaing uminom gets mo ba ha?!”, proud na proud na sagot naman ni Rogelio habang hinihimas pa din ni Jobert as a friend ang kanyang likuran.

“Hahahaha! E gago pala ‘to e!”, tawa ng guy sabay sapak sa kausap. Subalit mabilis nakaiwas si Rogelio, bilang kaibigan si Jobert as a friend ang tinamaan na nasa likuran. Bulagta ito, basag ang nguso.

“Oh my gad, blood! Tama na guys, ayoko naaaah!”, tili at paghi-hysterical ni Genoveva nang makita ang duguan at sumisiritsirit pang dugo sa nguso ni Jobert. Nagtatakbo sya palabas ng bar. 

Napahinto lahat ng tao sa bar pati na din ang banda na kasalukuyang tinutugtog ang acoustic version ng Gentleman ni Psy. Nahahati ngayon ang isip at damdamin ni Rogelio kung sinong uunahin sa dalawa, kung hahabulin ba nya ang babaeng kanyang sinisinta o aasikasuhin ang kaibigang duguan ang mukha.

Gulong-gulo si Rogelio. Ang hirap magdisisyon. Ngunit biglang hinawakan ni Jobert as a friend ang kanyang kamay. Pilit nya itong inabot dahan-dahan habang nakahiga. Napatingin si Rogelio sa kaibigan, awang-awa.

“Chong. Ako na bahala dito, kaya ko ‘to. Sundan mo si Genoveva, importanteng makausap mo siya. Sige na dre, gow…Ah.!”, hinang-hina na sabi Jobert as a friend sa kanyang kaibigan habang sumisirit-sirit pa din ang dugo sa kanyang nguso.

“Hindi brad dadalhin kita sa ospital. Walang iwanan.”

“Sige na par puntahan mo na siya, kaya kong pumunta sa ospital…”, sabay suka ng dugo habang tumutulo ang uhog sa ilong at tumatagas ang luga sa tenga.

“Sigurado ka pards?”

“Oo bro, sige na gow!”

“Sige-sige, salamat dre! Tunay ka talagang kaibigan!”, sabay karipas ng takbo palabas si Rogelio.

“What are friends are for? Ah…”, sabay pikit ni Jobert as a friend. Tuluyan na siyang nawalan ng malay.

Sobrang na-touch naman ang lahat ng taong nakapaligid sa kanya, kaya hindi nila mapigilang magsabi sabay-sabay ng “Aaaaaay”, yung malumanay at may lambing sa dulo. Nag akapan pa nga ang iba, may mga nag-kiss, at meron din napaluha sa sobrang pagkaka-touch. Kaya agad itong sinamantala ng banda, bigla silang tumugtog ng isang tear jerker epic love song na King and Queen of Hearts by David Pomeranz in acoustic version.

Parang may biglaang JS naman na nagsipagsayawan sa gitna ang mga lovers, magkaakap, sweet na sweet. ‘Yung iba naglalaplapan pa habang si Jobert bulagta sa sahig at halos maligo sa sarili niyang dugo. Ganun katindi ang pagmamahal ni Jobert as friend sa kanyang friend. Bilang kaibigan gagawin at titiisin niya lahat para dito.

Samantala mabilis na nahabol ni Rogelio si Genoveva sa labas, agad niya itong hinawakan sa braso.

“Gen-gen sandali.”

“Gelo let me explain-“

Pero pinigilan siya ni Rogelio magsalita, tinakpan niya ng kanyang hinlalato ang lips ni Genoveva upang hindi makapagsalita.

“Hindi. Tama na. Wala kang dapat ipaliwanag mahal kita.”, sabay hawak ng dalawang kamay sa braso ni Genoveva papalapit sa kanya saka niya tinorrid kiss si Genoveva. Sa sobrang pagkabigla at gulat naman ni Genoveva sa ginawa ni Rogelio napanganga na lang ito sabay wagayway ng dila at ngasab sa wet na wet na labi ni Rogelio.

Dahan-dahan bumuhos ang ulan habang sila ay naglalaplapan sa gitna ng daan.

Kaylan matatapos ang halikan na ito? Matuyuan kaya sila ng laway miski na umuulan? Gaano katotoo na naapak-apakan na si Jobert as a friend ng mga nagsasayaw ng sweet sa loob ng dance floor? Hindi ba sila nadudulas sa tumagas na dugo ni Jobert as friend?

Subaybayan ang mga nagbabaga at walang masagot na katanungan sa natitirang dalawang last episode ng nagiisa at wala pa ding gustong gumaya o pumaris na brutal drama serye sa internet, ang Tilamsik sa Gabing Maligamgam.

Para sa ating Question of the Day Promo:

“Mga ilang minuto kaya tumagal ang laplapan nila Rogelio at Genoveva?"

Pangalawa.

“Ano kaya ang type ng dugo ni Jobert as a friend at gaano karami ang nabawas sa kanya?"



Linggo, Mayo 26, 2013

EPISODE 9: “Ang Tumatawa ng Malakas Pag Umiyak Wagas!”


Tilamsik sa Gabing Maligamgam (an FB broken serye)

Ang Nakaraan…

May mga nakaraan o nakalipas na hindi natin maalala o ayaw na talaga nating maalala, hindi natin matandaan o sadyang ayaw tandaan. May mga nakaraan na pilit nililimot, nakalimutan, o sadyang nilimot dahil sa bigat, hapdi, at kirot nitong dala-dala sa ating alaala kaya siguro mabuti pa ‘wag na lang natin pagusapan, ang nakaraan…

“Hello? Hello! Pareng Jobert!”

“Oy pare napatawag ka?”

“Guess what?”

“What dude?”

“Malapit nang maging kame ni Genoveva putang ina!”

“Ulu! Fuck you ka! ‘Di nga?!”

“Oo nga tol, isang K reply na lang niya tol shet!”

“Ay pota ayos ‘yan chong, congrats!”

“Oo pards kaya magbihis ka na at magpapainom ako!”

“Ayun lang par negative ako ngayon…”

“Bakit naman? Asan ka ba?”

“Dito ko ngayon sa parlor e.”

“Pota ka namamakla ka na naman kakainom mo lang antibiotic nung nakaraan ah?”

“Gago nagpapa-highlights lang ako!”

“Pa-highlights mu mukha mu! Halika na kasi!”

“San ba tayo?”

“Dun sa dati same time.”

“Sige sunod ako, textan na lang.”

“Bye!”

At dumating nga ang oras na “same time” na kanilang napagusapan na sa totoo lang maski ako ay hindi alam kung anong oras ba talaga ‘yun, tanging silang dalawa lang ang nagkakaunawaan. Nandun na din sila sa “dun sa dati” na lugar na kanila ding napagusapan na wala din kahit sino ang may ideya kung saan.

Medyo madilim ang lugar. Patay sindi ang mga ilaw. Hindi naman ganun karami ang tao babae’t lalaki pero ‘di kinaya ng aircon kaya mainit sa loob. Maingay. Sari-saring ingay, tawanan, daldalan, kwentuhan, bidahan, palakpakan, at may kaunti ding iyakan. May tumutugtog sa harap, acoustic version ng Giyomi kaya may mangilan-ngilan ang sumasabay sa sign language dance nito.

Nakaupo ang dalawa sa may bandang gitna. May pork sisig sa lamesa, isang bucket ng Redhorse, ashtray, at tissue na nasa tissue holder. Maligalig at puno ng kagalakan na nagkukwento si Rogelio sa kanyang kaibigan habang mataimtim at buong puso namang nakikinig si Jobert as friend sa kanyang natatanging kaibigan. Wala nga lang kasiguraduhan kung tumatawa nga ba si Jobert as friend kasi natatawa talaga siya o ginagawa lang niya ‘yon bilang kaibigan or parte iyon ng kanilang samahan. Wala din talagang tiyak na nakakaalam subalit tunay at wagas talaga silang magkaibigan simula’t sapul ng kanilang kabataan.

“HAHAHAHAHAHA”

“Hahaha!”

“Hindi nga tol?”

“Oo tol.”

“HAHAHAHAHAHAHAHA!”

“Tawa talag ko nang tawa nun hahaha!”

“Nakakatawa naman kasi talaga dre hahaha!”

“Sinabi mo pa hahaha!”

“HAHAHAHAHAHA! HAHA! HA! HAHA! HAHAHA! HA!”

“HA! HA! HAHA! HAHAHA! HAHAHAHAHA!

Halos hindi na makagulapay ang dalawa sa kakatawa, nanapasipa pa sila sa ilam ng mesa, panaka-nakang napapasuntok hangin at malimit na napapahamas ng kamay sa lamesa. Ewan lang kung ano ba ‘yung kanilang pinagtatawanan. Habang ang banda acoustic version na ng Harlem Shake ang binabanatan, eto na siguro ‘yung kanilang pandiin.

Subalit nabasag ang masayang kwentuhan at tawanan ng dalawa nang biglang…

“Teka pareng Gelo nakikita mo ba ‘yung nakikita ko?”

“Hindi e. San banda pareng Jobert? Anong oras?”

“6 o’clock mo.”

“Pakagago mo talaga, ‘di ko talaga makikita ‘yan!”

“Wag ka pahalata, lingunin mo dahan-dahan… Ay puta shet!”

“Bakit ano ba ‘yun?”, habang marahan na lumilingon sa likuran niya.

Agad na tumayo si Jobert upang himasin ang likuran ng kaibigan sabay bitaw ng isang malamyos at mapagarugang kataga na “Tol andito lang ako…”, biglang natulala si Rogelio, nagngingilid ang mga luha. Ang kanina lang na labis niyang pagkaligaya ay biglang napalitan ng matinding pagdaramdam. Biglang nawalan ng saysay at kabuluhan ang lahat para sa kanya, gumuho ang kanyang mga pangarap at sa isang iglap nawalan ng ganang mabuhay nang makita sa kabilang table si Genoveva na may kasamang cute guy. Brush-up ang buhok, bukas ang polo may sandong puti sa loob. Shet ansakit…

Sa puntong ‘to pinipigilan na ni Rogelio huminga at pilit pinapahinto sa pagtibok ang kanyang puso, walang ibang tumatakbo sa isip kundi “Bakit-bakit-bakit?”. Walang ibang magawa si Jobert as friend sa kanyang kabigan kundi himasin ito sa likod at sabihan paulit-ulit ng “Kaya mo ‘yan tol andito lang ako…” na parang mantra. Gusto niya sana i-mouth to mouth resuscitation ang kaibigan upang hindi tuluyang mawalan ng hininga subalit andun ang pag aagam-agam niya dahil wala naman sila sa swimming pool o beach, ang diyahe nga naman.

Bagamat ganun pa man, andun talaga ang masidhing pagaalala ni jobert as a friend. Unti-unti namang pumapatak ang luha sa mga mata ni Rogelio habang tinutugtog ng banda ang acoustic version ng Price Tag. Andun na siya sa rurok ng kanyang pagdadalamhati ng biglang lumapit ang waiter at pinapapirmahan ang kanilang bill. At bilang kaibigan, umalma agad si Jobert as a friend.

“Wow sir antaba ng puso nyo, pakahusay ng timing nyo! Kita nyo nang nagdurugo puso ng kaibigan ko tas bigla mo kami sisingilin? May puso ka ba ha? Hindi ka pa siguro nasasaktan no? Heartache ‘yan ‘tol heartache! Pain pare para malinaw sayo! Manhid ka ba ha?”, sita ni Jobert as a friend sa cold hearted wicked waiter.  

Hanggang kaylan maghihintay ang waiter na pirmahan ni Rogelio ang bill nila? Magtagumpay kaya si Rogelio na mapahinto ang pagtibok ng kanyang puso? Saan hahantong ang paghimas-himas ni Jobert as a friend sa likuran ng kanyang kaibigang nagdaramdam?

SUNDAN…





 








Martes, Mayo 21, 2013

Si Nico at ang Nawawalang Libreng Kuryente



Sa hindi kalayuang taon at panahon, may isang madilim na komunidad ng mga robots. Madilim dahil natatakpan nang makapal na itim na ulap ang sinag ng Araw at Buwan doon gawa ng usok, alikabok at polusyon. Higit sa lahat madilim dahil madalang silang magkakuryente.

      Sumobra kasi ang gamit at naabuso ang kuryente. Uminit nang husto ang mundo, nasira ang Ozone Layer resulta Global Warming. Lumindol. Bumaha. Nasira ang mga Power Plants na nagsu-supply ng kuryente sa mga tahanan.

      At para magkakuryente kaylangan magbayad ng ginto at pumila ang mga robots sa nagiisang Power Plant doon na pagaari ni Mr. Al Morce upang makargahan ang kani-kanilang bateryang pantahanan.

      Nagtatrabaho ang mga robots sa isang minahan ng langis na pagaari din Mr. Al Morce.

      Kontrolado ni Mr. Al Morce ang mga robots, siya ang tumatayong pinuno sa komunidad. Sunud-sunuran sa kanya lahat dahil mahalaga sa kanila ang kuryente at marami silang pakinabang dito. Kapag sumuway ang sino man sa gusto niya walang supply ng kuryente kahit may pambayad pa.

      Isang araw habang nakapila ang mga robots sa Power Plant ni Mr. Al Morce, Nagmamadali si Nico at halos mabangga ang mga nakapila para mauna. “Excuse po! Paraan po!”, sigaw niya. 

      Mahilig sa misteryo at pagtuklas si Nico. Pangarap niyang maging imbentor balang araw, at kung karamihan takot sa kidlat siya manghang-mangha rito. Natutuwa kasi siya sa sandaling liwanag na dulot nito kapag gumuguhit sa kaulapan.

      Nang makalapit si Nico kay Mr. Al Morce, “Sir kaylangan ko po ng kuryente para sa Lolo ko, nalo-lowbat na po siya..”.  “May ginto ka ba?”, tanong ni Mr. Al Morce. “Wala po pero meron akong-“, hindi pa tapos magsalita si Nico sumingit agad ang kausap, “Makakaalis ka na, sinasayang mo oras ko! Alis!”, pabulyaw nitong sabi sabay hagis sa bateryang dala-dala ni Nico.

     Malungkot na umuwi si Nico.

      “Hayaan mo ‘lo gagawa ako ng paraan. Hahanap ako ng kuryente!”, nakangiting sabi ni Nico habang hawak ang kamay ng Lolo. “Salamat apo. Salamat..”, inuubong sagot nito kahit hindi alam kung paano iyon gagawin ng apo.

      Kinabukasan habang nagiisip kung saan siya makakakuha ng kuryente, napukaw ng mga kakaibang sulat sa punong Acacia ang kanyang atensyon. Binubuo ito ng mga numero, letra at mga simbolo na karamihan ay doon lang niya nakita.

      Sinundan niya ang mga sulat hanggang sa makarating sa isang lumang bahay. Pagpasok niya isa pala itong maliit na laboratoryo na napakagulo.

      Nagusisa siya. “Huwag mong hahawakan ‘yan!”, pagbabawal ng isang lalaking medyo may katandaan at magulo ang buhok.

      “Sino ka? Anong ginagawa mo dito?”, tanong ng lalaki. “Ako po si Nico, sinundan ko po ‘yung mga sulat. Para saan po ba ‘yang mga ‘yan?”, usisa niya. “Pormula ‘yan para gawing ginto ang metal!”, deretsong tugon ng lalaki.

      “Wow isa po kayong alchemist!”, galak na pagkakasabi ni Nico. “Tumpak! Tawagin mo na lang akong NF.”, nag-shake hands sila. “Edi andami n’yo pong pambili ng kuryente?”, tuwang tanong ni Nico. “Hahaha! Hindi para sa ganun ang alchemy Nico.”, natatawang sagot ni NF. Lumungkot si Nico, “Kaylangang-kaylangan kasi ng Lolo ko ang kuryente..”.

      “Hindi n’yo po ba kayang magimbento ng kuryente?”, puno ng pagasang tanong ni Nico. “Iho hindi iniimbento ang kuryente at hindi ito nauubos. Nasa paligid lang natin ito.”, paliwanag ni NF.

      “E bakit po may presyo at napakamahal nito?”,  takang tanong ni Nico. “Kasi may nagsamantala at ginawang negosyo!”, mabilis na sagot ni NF. “Wala po ba talagang libreng kuryente?”, tanong ulit ni Nico. “Kung gusto mo ng libreng kuryente, hulihin mo ang kidlat!”, seryosong payo ni NF.

      Nang gabing iyon, saktong umuulan. Nakatanaw si Nico sa bintana habang pinagmamasdan ang mga kidlat, nagiisip kung pano niya mahuhuli ito.

      “Tandaan mo isang beses lang tumatama sa isang bagay ang kidlat, hindi na ito mauulit pa.”, naalala niyang bilin ni NF.

      Matalim at marahas ang mga kidlat subalit lakas loob na lumabas ng bahay si Nico upang puntahan ang kidlat na tumama sa punong Acacia kung saan din niya nakita ang kakaibang mga sulat. Habang naglalakad kumidlat na naman sa may ‘di kalayuan at tinamaan ang malaking bato. Nagulat si Nico nang biglang tumama ang kidlat sa kanyang harapan at isang maliwanag na nilalang ang naroon.

      “Huwag kang matakot. Ako si Lucio. Nakita ko ang kabutihang loob mo at pagpupursige na matulangan ang iyong Lolo. Eto tanggapin mo, ipamahagi mo din ang kaalaman na ito sa iba. Pakiusap ko lang gamitin n’yo ito nang tama at ‘wag abusuhin.”, ume-echo ang boses ni Lucio. Inabot niya kay Nico ang isang lumang folder na may lamang mga papel-papel.

      Gulat si Nico at hindi na nakapagsalita. Mabilis namang nawala ang nilalang.

      Pumasok sa bahay si Nico at agad sinuri ang lumang folder. Hindi niya ito maintindihan kaya naisipang ipabasa kay NF.

      “Ito ang nawawalang blue-print ng Tesla Generator ni Nikola Tesla!”, gulat na gulat na sabi ni NF. “Sino po si Nikola Tesla?”, tanong naman ni Nico. “Siya ang tunay na Father of Electricity, ang henyong dumiskubre sa kuryente para pakinabangan ng libre!”, magiliw na tugon ni NF. “Talaga po libre?”, masayang tanong ni Nico.

      “Oo! Misteryo itong nawala noon. Saan mo ba ‘to nakuha?”, pagtataka ni NF. “Binigay po ni Lucio isang taong kidlat.”, nakangiting sagot ni Nico. “Ha? Taong kidlat?”, hindi makapaniwala si NF. “Huwag n’yo na pong alamin, ang importante alam n’yo po bang gawin ‘yang Tesla Generator?”, masayang tanong ulit ni Nico. “Susubukan ko.”, sagot ni NF.

     Pagkatapos basahin ni NF ang blue-print, agad niyang sinimulan ang pagbuo sa Tesla Generator katulong si Nico. Halos hindi na kumain ang dalawa sa sobrang pagkaabala.

      Bandang hapon nang sila ay matapos. Tagumpay, nabuo nila ang Tesla Generator. Masayang-masaya ang dalawa.

      Tulad ng bilin ng taong kidlat na si Lucio, gumawa ng maraming kopya ng blue-print ni Nikola Tesla si Nico upang ipamahagi sa mga kapitbahay. Si NF naman ang nagturo sa mga robots kung paano buoin ang Tesla Generator.

     Lumakas na muli ang Lolo ni Nico. Maliwanag na muli ang kanilang komunidad dahil sa libreng kuryenteng hatid ng Tesla Generator. Bumagsak ang negosyo ni Mr. Al Morce at hindi na sila kontrolado nito.

      Masaya at masigla na ulit ang mga robots. Natutuhan na nilang pahalagahan ang likas na yamang bigay ng mundo. Natuto na silang gamitin ito ng wasto, balanse at hindi abusado.
     

Lunes, Mayo 20, 2013

Filipo's Time



Taong kasalukuyan, may isang bata sa Maynila na nagngangalang Filipo ang napakahilig maglaro ng computer at video games. Malimit siyang ma-late sa eskwela at paborito niya ang mga salitang “Mamaya na.”, “Maaga pa.”, at “Bukas na lang.”.

      Sa umaga ganito lagi ang kanilang eksena, “Anak gising na mahuhuli ka  na naman sa school mo.”. “Mamaya na Mommy maaga pa naman e..”, antok na tugon ni Filipo. Kapag inaaya siyang mamasyal ng kanyang Mommy, “Anak tara pasyal tayo sa Luneta tapos punta tayong mall.”. “Bukas na lang Mommy nagdo-DOTA pa ko e.”, payamot na sagot lagi ni Filipo. Kapag inuutusan siya,  “Anak bili ka nga muna sandali ng suka kay Aling Taleng.”. “Mamaya na Mommy, ayan kinain tuloy ng mga Zombies ‘yung Plants ko, Mommy naman e..”, nagmamaktol na sagot niya. Kapag may assignments siya,  “Hmp.. Maaga pa, maglalaro muna ko ng Ragnarok. Bukas ko na lang gagawin assignments ko.”.

      Ang hindi alam ni Filipo matagal na siyang inoobserbahan ng Diyos ng Oras at Galaw ng Kosmiko na si Bangun Bangun dahil sa pagbalewala at hindi niya pagrespeto sa oras.

      Isang dapit-hapon habang naglalaro ng kanyang paboritong video game si Filipo biglang umuga ang computer monitor niya, nanginig ang keyboard at isang Black Hole ang unti-unting nabubuo sa loob ng kanyang kwarto. Natakot si Filipo kaya mabilis siyang tumakbo papuntang pintuan habang sumisigaw ng “Mommy! Mommy!”. Hindi niya mabuksan ang pinto dahil natutulak ito ng malakas na hangin na nagmumula sa Black Hole. 

      Hanggang sa isang malaking kamay na kumukutitap ang dumampot kay Filipo papasok sa Black Hole, napasigaw na lamang siya ng “Huwaaag! Ayokooo! Mommy tuloooooong!”.

      Napunta si Filipo sa isang makulay subalit kakaibang lugar. Maraming orasan sa paligid at mukhang cartoons ang lahat. Nagtaka siya sa suot niyang red baseball cap at blue t-shirt na parehong may malaking print na letter “F” sa gitna at nasa loob ng bilog. Mayron siyang black na stopwatch at puruntong shorts, knee-high ang white socks, at tumutunog ng “toink-toink!” ang sapatos kapag inilalakad.

      Biglang sumulpot si Bangun Bangun, “Welcome! Ako si Bangun Bangun, Diyos ng Oras at Galaw ng Kosmiko. Andito ka ngayon sa loob ng isang video game.”. “Video game?!! Pa’no nangyari ‘yun?”, gulat na tanong ni Filipo. “Kasi hindi ka marunong rumespeto sa oras at hindi laging on-time.”, mahinahon at seryosong sagot ng Diyos ng Oras. “Parang awa n’yo na po please ibalik n’yo na ko sa amin, hahanapin po ako ng Mommy ko..”, pakiusap ni Filipo.

      “Makakabalik ka lang kung matatapos mo ‘tong laro sa loob ng sixty minutes. Kapag lumagpas du’n, hindi ka na makakaalis dito forever!”, nakangiting sabi ni Bangun Bangun. “Forever?! Sixty minutes.?! Ikli naman!”, nataranta si Filipo. “Anong klaseng laro po ba ‘to?”, dugtong niya. “HAHAHA! Your time starts NOW!”, unti-unting naglaho si Bangun Bangun, at nagsimula na din mag-countdown ang stopwatch. “Sandali po!”, habol  niya.

      Dahan-dahan namang lumalapit kay Filipo ang isang matandang babae na may hawak na tungkod at lumang aklat nang hindi niya namamalayan, “Ang propesiya, ang propesiya..”, bulong nito. Nagulat si Filipo nang sumigaw ang matanda ng, “Mga kababayan! Ang propesiya narito na!”.

      Nagdagsaan papunta kay Filipo ang mga nilalang doon. Halos kasing tangkad niya lahat, sabay-sabay silang nagsasalita ng “Ang propesiya! Ang propesiya!”, pinalibutan siya ng mga ito. “Ha?! Anong propesiya?!”, pagtataka ni Filipo.

      “Ikaw ang propesiya!”, pinakita ng matanda kay Filipo ang isang larawan mula sa pahina ng aklat na hawak nito. Hindi makapaniwala si Filipo, kamukhang-kamukha niya iyon pati kasuotan.

      “Pakiusap tulungan mo kame, iligtas mo ang aming Prinsesang Nakaupo sa Tasa sa kamay ni Haring Horos..”, pagmamakaawa ng isang batang babae. Sabay-sabay na naman nagsalita ang iba pa, “Tulungan mo kame, iligtas mo ang Prinsesang Nakaupo sa Tasa!” Napaisip si Filipo, “Parang alam ko na ‘to. ‘Yun ang game. Kaylangan kong iligtas ang Prinsesa para makaalis dito.”, habang hinihimas ang baba. “Sige po. Tutulungan ko kayo. Ililigtas ko ang Prinsesang Nakaupo sa Tasa!”. Tuwang-tuwa at nagpapalakpakan ang  lahat ng nilalang, meron pang sumisipol ng “weet-weew” at may humihiyaw ng “Yeheeey!”.

      Itinuro ng matanda kay Filipo ang daan papunta sa kaharian ni Haring Horos, twenty-five minutes ang nabawas sa stopwatch.

      Pagdating sa kaharian, isang Alarm Clock na guwardiya ang humarang kay Filipo, “Makakapasok ka lamang kung mabibigyan mo ko ng ginto.”. “Ginto? Sa’n ako kukuha ng ginto?”, gulat na tanong ni Filipo. “tik-tak-tik-tak..”, sabi  ng Alarm Clock. Napaisip si Filipo, lumipas ang dalawang minuto, “Ginto. Alarm Clock.. Alam ko na! Time is Gold!”.

      “Eto, bibigyan kita ng oras sa stopwatch ko!”, alok ni Filipo. “Very good!”, nakangiti ang Alarm Clock sabay hawak sa stopwatch ni Filipo. Nabawasan iyon ng tatlong minuto. Agad pinapasok si Filipo. Tinignan niya ang stopwatch, thirty minutes na lang ang natitira.

      Pagpasok sa palasyo agad siyang binati ni Haring Horos na nakaupo sa trono katabi ang Prinsesang Nakaupo sa Tasa, “Haha! Ang propesiya. You’re late, you’re late, for a very important…Nevermind, nakalimutan ko. Anyway, kung gusto mong mailigtas ang Prinsesa kaylangan mong malampasan ang tatlong pagsubok ko. Una, buoin mo ang Jigsaw Puzzle Clock na ‘yan na nagsasabing ‘three-thirty-three’ in ten minutes gamit ang paa. Hahaha!”.

      Nine minutes lang ang lumipas buo agad ni Filipo ang Jigsaw Puzzle. “Mahusay. Easy round lang ‘yan. Next. May tatlong Sundial na wala sa oras. Kaylangan mong ayusin ang pwesto nila sa tamang oras na Ala-sais, Alas-nuebe, at Alas-dose gamit ang ilaw na nandiyan. Sampung minuto. GO!”

      Medyo nahirapan si Filipo, naubos ang sampung minuto bago naiayos ang tatlong Sundial. Eleven minutes ang natitirang oras sa stopwatch. “Pinapahanga mo ko boy! Pero sigurado dito sa ikatlo hindi ka na mananalo, hahaha! Eto ang tanong: ‘Kung ang Pendulum Clock ay tumutunog kada twenty-three minutes, anong oras ulit ito tutunog kung tumunog na ng Nine-twenty-three?’, but wait! Kaylangan mong sagutin ‘yan sa pamamagitan nang pagtulak ng malaking kamay ng orasan na ‘yan sa tamang oras. Muli, in ten minutes, GO! Haha!”.

      Isang minuto din ang lumipas nang maisip ni Filipo kung anong oras ulit tutunog ang Pendulum Clock. Inuna niyang itulak ang Minute Hand, manipis ito kaya medyo magaan.  Makalipas ang tatlong minuto naitapat na niya ito sa tamang posisyon. Agad naman niyang isinunod ang Hour Hand, mabigat ito dahil bukod sa mahaba na makapal pa kaya hirap si Filipo at natatagalan, sinasabayan pa iyon nang pangaasar ni Haring Horos.

      Ayan konti na lang, maitatapat na ni Filipo sa tamang posisyon ang Hour Hand. Ten..nine..eight.. Pawis na pawis si Filipo. Three..two..one.. Sakto pagdating ng zero tumunog ang Pendulum  Clock, “Dong-dong-dong!”.

      Tagumpay si Filipo. “Hindeeeeee!”, sigaw ni Haring Horos habang nagdadabog. Yumakap naman ang Prinsesang Nakaupo sa Tasa kay Filipo.

      Matapos magpasalamat ng Prinsesa at mga nilalang roon kay Filipo, ibinalik agad siya ni Bangun Bangun sa kanyang kwarto. Namalayan na lang niya na nakaupo siya sa harap ng kanyang computer na parang walang nangyari.

      Tumakbo si Filipo sa kanyang Mommy na kasalukuyang naghahanda ng meryenda, niyakap niya ito nang mahigpit. Nagtaka naman ang kanyang Mommy pero natutuwa. Simula nu’n hindi na nale-late sa school si Filipo, sumusunod agad siya sa mga utos, at inuuna nang gawin ang mga assignments bago maglaro ng computer games. Higit sa lahat hindi mo na maririnig sa kanya ang mga salitang, “Mamaya na.”, “Maaga pa.”, at “Bukas na lang.”.  


Bakit Pinapagalitan ang Batang Makulit



Noong unang panahon may isang bahay sa kanayunan na kulay Pink at may maliit na hardin sa bakuran. Doon nakatira sila Papa, Mama, at Lily.

      Sakit sa ulo ng kanyang mga magulang si Lily. Masyado siyang pasaway, makulit at matigas ang ulo kaya naman parati siyang napapagalitan ng mga ito.

      Isang gabi matapos kagalitan dahil sa nilaro niyang pagkain, nagkulong si Lily sa kanyang kwarto at nagiiyak. “Parati na lang nila kong pinapagalitan, hindi ko naman sinasadya ah. Hindi na ata nila ko love..”, tulo luha at baradong ilong na iyak ni Lily.

      Hanggang sa makatulog siya nang hindi namamalayan. Naglakbay ang kanyang diwa sa loob ng panaginip. Mukha itong pinaghalong mundo ng mga fairytales at fantasy  stories na kanyang nabasa o napanood.

      Sinundan niya kung saan patungo ang Yellow Bricks.

      Napadpad si Lily sa medyo may kalakihang bahay na gawa sa gelatin at gulaman. Sinalubong agad siya ni Ms. Jelly Tin na siyang mayari ng bahay.

      “Hello Lily. Come in! Kanina pa kita inaantay.”, nakangiting pagbati ni Ms. Jelly Tin habang nagtataka naman si Lily.

      Pagpasok sa loob natabig ni Lily ang isang pusang pigurin na gawa sa candy, “Ok lang ‘yan halika dali pasok.”, nakangiting anyaya ni Ms. Jelly Tin. “Hindi n’yo po ako pagagalitan?”, takang tanong ni Lily. “Bakit naman kita pagagalitan? Halika maupo ka na dito at kumain.”, nakangiti pa din si Ms. Jelly Tin.

      Natuwa si Lily kaya agad siyang naupo sa harap ng mesa. Lalu siyang natuwa nang makitang puro paborito niyang pagkain ang nakahanda tulad ng ice cream, cakes, pastries, potato chips, cheese curls, at inuming softdrinks, syempre madaming gelatin at gulaman.

      “Wow ansarap ng mga ‘to!”, tuwang-tuwa si Lily hindi niya alam kung anong uunahin.

      Nang magsawa, hindi niya naubos ang kinuhang pagkain kaya nilaro na lang niya iyon at ikinalat sa buong Dining Room. Hindi naman siya pinagalitan ni Ms. Jelly Tin bagkus sinabihan pa itong maglaro ng tubig sa labas pagkatapos.

      “Ansaya naman po dito! Walang bawal, lahat pwede!”, tuwang-tuwang sabi ni Lily. “Oo naman Lily pero kaylangan mo nang umuwi balik ka ulit ha?”, anyaya ni Ms. Jelly Tin. “Sigurado po ‘yun!”, nakangiting sagot ni Lily.

      Kinagabihan habang naghahapunan si Lily at kanyang magulang napagalitan na naman siya dahil sa pakikipagaway sa kaklase.

      Nang matapos magsermon ang kanyang Mama at Papa agad siyang dumeretso sa kanyang kwarto pero hindi upang umiyak kundi para matulog.

            Nagpunta na naman siya sa bahay ni Ms. Jelly Tin, Malaya na naman siya at nagagawa ang gusto.

      Nagpabalik-balik si Lily sa panaginip, naging gawi na niya ito matapos pagalitan ng magulang. Hanggang sa napagdesisyunan na niyang ‘wag nang umalis sa bahay ni Ms. Jelly Tin.

      “Talaga dito ka na titira?”, tuwang-tuwa si Ms. Jelly Tin. “Opo, ayoko na samin lagi naman akong pinapagalitan doon e.”, sagot ni Lily habang sila’y magkaakap.

      Naglaro nang naglaro si Lily. Nagkalat, nagbasag, nagdumi. Nagaksaya ng pagkain, tubig at iba pa. Lahat ginawa niya, walang bawal.

      Samantala nagtaka naman ang Mama ni Lily nang tanghali na ay hindi pa siya bumababa para magalmusal kaya agad niya itong pinuntahan sa kwarto. “Lily anak tanghali na bangon na mahuhuli ka na sa school mo.”, subalit nagtaka siya nang hindi ito sumasagot.

      Makailang beses niyang ginising si Lily pero wala pa din kaya nataranta na ang Mama niya at tinawag ang asawa. Pinulsuhan nito si Lily, humuhinga pa naman subalit walang malay.

      Hindi na nagaksaya ng panahon ang magasawa, agad nilang sinugod si Lily sa pinakamalapit na ospital.

            Wala namang nakitang problema ang doktor pero hindi niya maintindihan kung bakit walang malay si Lily. Pinayuhan niya ang magasawa na ilagi muna sa ospital si Lily para maobserbahan.

      Doon naman sa panaginip, hindi namalayan ni Lily na tumaba na siya, lumobo at bumigat ang katawan. Sumasakit na din ang kanyang tiyan dahil sa kakakain ng matamis. Humantong na din na nabagot na siya sa kanyang mga ginagawa doon.

      “Namimiss ko na sila Mama at Papa..”, malungkot na sabi ni Lily. “Bakit ayaw mo na ba maglaro? Etong cake o kain ka pa.”, nakangiting alok ni Ms. Jelly Tin.  “Nakakamiss din pala ‘yung may nagbabawal sayo, may nagsasaway. Mahal pala nila ko. Naintindihan ko na ngayon kung bakit nila ko pinapagalitan, para maging mabuting bata ako. Gusto ko nang umuwi!”. Madiing sabi ni Lily.

      “Hindi ka na makakauwi! Dito ka lang! Sasamahan mo ko! Maglalaro tayo ng maglalaro!”, lumaki ang boses ni Ms. Jelly Tin at unti-unti siyang naging halimaw, halimaw na gelatin. “Aaaaaahhh!”, natakot si Lily binato niya ng cake sa mukha ang halimaw sabay takbo.

      Naghabulan ang dalawa sa buong bahay. Ilang beses na kamuntikang maabutan ng halimaw si Lily mabuti na lamang at nakakalusot siya. “Hahaha! Ito ang gusto mo ‘di ba?! Pwes hindi ka na makakaalis dito! Hahaha!”, humahagalpak na tawa ng halimaw.

      Nakalabas ng bahay si Lily subalit hindi niya mahanap ang labasan sa panaginip. Paikot-ikot lang sila at unti-unting nasisira ang mundong iyon. Pasikip na nang pasikip ang kanyang nalulusutan at napagtataguan.

      Habang nangyayari iyon sa loob ng panaginip ni Lily alalangalala naman ang mga magulang niya sa kanya. Tumataas-bumababa kasi ang guhit sa Heart Monitor na nakasaksak sa kanya.

      “Anak kung nasan ka man bumalik ka na. Promise hindi na kita pagagalitan. Nagagawa ko lang naman ‘yun dahil para din sayo anak para mapabuti ka. Mahal na mahal ka namin ng Papa mo anak.”, umiiyak na sabi ng kanyang Mama habang hawak ang kamay ni Lily. Hinihimas naman ng kanyang Papa ang likod ng asawa.

      Narinig ni Lily ang mga sinabing iyon ng kanyang Mama, naluha siya. “Mama, Papa antayin n’yo ko pabalik na ko diyan.”, matapang niyang sabi habang hinahabol ng halimaw.

        Mula doon nakita niya ang isang pintuan na unti-unting lumiliit. Binilisan niya ang takbo, kaunti na lang maabutan na siya ng halimaw. “Hindi ka makakalabas ditooo!”, sigaw ng halimaw sabay pahaba sa kanyang galamay.

      Nakalusot si Lily sa lagusan subalit nahawakan ng halimaw ang kanyang paa. Nagpupumiglas si Lily hanggang sa maalala niya ang candy pops na nasa bulsa. Isinaboy niya iyon sa halimaw. Nagputukan ang candy pops at nabitawan siya ng halimaw, tuluyang nakalusot sa lagusan si Lily.

     “Mama, Papa.”, ang unang sambit ni Lily pagkadilat. “Anak.. anak..”, lumuluhang sabi ng kanyang Mama habang mahigpit siyang akap nito. Hinalikan naman siya sa noo ng kanyang Papa.

      “Ma, Pa. Simula po ngayon susunod na ko lagi sa utos n’yo hindi na po ako magpapasaway. Naiintindihan ko na po ngayon kung bakit n’yo ko pinapagalitan.”, seryosong sabi ni Lily. “Salamat anak. Mahal na mahal ka namin ng Papa mo.”, naluluha pa din ang kanyang Mama habang sila’y magkakayakap.

      Nung araw din na ‘yun lumabas ng ospital si Lily. Namasyal sila ng kanyang pamilya at nag-bonding. Naging mabuting bata si Lily, may oras na lumalabas pa din ang kanyang kakulitan subalit nauunawaan na niya ngayon kung bakit siya pinapagalitan.