Huwebes, Mayo 9, 2013

TSGM Marathon Episode 1-7

*Para sa mga nag-request na hini naabutan ang simula dahil busy sa work, sa jowa, etc. at  sa mga tamad lang mag-scroll down ng page na 'to... Alam nyo na kung sino kayo. :)



PREAMBLE:

Imaginin mo nakasakay ka sa fx, jeep, o bus. Medyo trapik, pagod ka at pauwi na. Walang music, ingay at sari-saring tunog lang sa paligid ang maririnig. Dala ng low and slow vibes ng gabing ito lumutang ang iyong kamalayan habang nakatanaw sa labas, hindi mo namalayan na halos lahat ng naka-vandal sa daan, mga posters at billboards ay binabasa mo. Mula doon nabuo ang isang conspiracy theory sa iyong subconscious and conscious mind, “What if may mga hidden messages, subliminal messages, or secret codes na naka-encrypt sa mga vandal-vandal at ad-ad na ‘yun? ”.

Nagsasalita ka na sa isip mo. Tuluyan pang gumulong ang iyong bukas na diwa sa ideyang mind-control ang mga nakatagong mensahe na ‘yun upang i-manipulate ang sambayanan sa kung anong secret agenda meron “sila”. Naisip mo tuloy na responsibilidad mo at nakasalalay sa iyong kamay na tukuyin, himayin, at analisahin ang mga mensaheng iyon upang isiwalat at iligtas ang lahat sa tiyak na kapahamakan nang biglang may nag “Hello” sa isa sa mga katabi mo na siyang bumasag sa iyong pantasya…

“Hello! Gutom na ko, anong ulam natin? Hahaha sige-sige! Hahaha! Oy alam mo ba kanina…Ha? Teka eto pababa na ko…”

Inihahandog ng Gen Thalz Entertainment

In association with Ex-Nihilo Studio and Delta-9 Production

Ang kauna-unahang brutal drama serye sa kasaysayan ng digital world na tiyak na magpapaluha at magpapakalma sa napapagal mong kalooban, ang…

“TILAMSIK sa GABING MALIGAMGAM” (an FB broken serye)
Kinatatampukan nina…

Rogelio Bragancia bilang ang Torpeng Lalaki sa Susunod na Pinto

Genoveva Putingsisiw bilang ang Babaeng Haliparot pero Pakipot

Tampok din si Jobert as a friend

Tilamsik sa Gabing Maligamgam (episode 1 season 1: Midnight Private Message)

Ilang araw na lang graduation na pero hindi pa din napagtatapat ni Rogelio ang kanyang tunay na nararamdaman sa schoolmate na si Genoveva. Ni-makausap man lang ay wala, zero, nada, buta. Parati na lang siyang daydreaming at stalking sa FB account nitong belyas.

Subalit isang hating-gabi, may kung anong lakas ng loob ang pumaimbulog sa pagkalalaki ni Rogelio nung biglang mag-online si Genoveva habang tinititigan niya mga old pics nito lalu na ‘yung mga summer photos.

“Oh my gad online siya!”, napasigaw si Rogelio sa tuwa. “Eto na pagkakataon ko, kaylangan ko na masabi ‘to bago man lang kame grumadweyt, ano kayang magandang banat…”

Napagisip si Rogelio ng ilang sandali hanggang sa sinisimulan na niyang mag-type pagka-click ng name ni Genoveva.

“Hi ako nga pala si Rogelio, roges for short. Alam ko ‘di mo ko kilala pero schoolmate tayo. Lapit na graduation no? Congrats satin! Alam ko awkward na dito ko sabihin ‘to pero wala na ko ibang maisip na paraan e, nahihiya kong lapitan ka… Pero una pa lang kita nakita nabighani na ko sayo siguro nga mahal na kita. OO mahal na nga kita. Mahal na mahal higit pa sa buhay ko! Shet nasabi ko, sori. Hindi mali, seryoso ‘yan pramis!”, sabay click ng ENTER, mabilis at may halong diin. Tagumpay, sent.

Biglang nag-offline si Genoveva.

Saan hahantong ang usapang ito? Sundan…


TILAMSIK sa GABING MALIGAMGAM (an FB broken Serye by Gen Thalz)

*Disclaimer: Any resemblance of all characters to real persons - dead or alive, situations, places, quotations in this realistic and super passionate work of art is purely coincidental and just used for creative purposes only.

 (episode 2 season 1: Message Sent)

Babala: Ang susunod mong mababasa ay makapanindig balahibo…

“Tunog ng kinakamot na blackboard”

Nasa kamay na ni Rogelio ang cellphone number ng kanyang natatanging Genoveva. Kung nagtataka ka kung pano niya nakuha o nalaman ‘yun ay mamaya baka ipaliwanag niya in solo shot, close up with matching dramatic symphony music on the background.

Hindi makapaniwala si Rogelio, totoong nasa phonebook na niya si Genoveva. Ilang gabi na din siyang hindi makatulog, nababalisa kung ano ang kauna-unahang mensaheng ite-text para sa babaeng kanyang sinisinta.
Nakailang beses na siyang type-bura-type-bura hanggang sa hindi niya namalayan na dire-diretso na pag-type niya na para bagang may ispiritung nag ga-guide sa kanya.

“Hi Gen-gen. Musta u? Aq ult 2 c Rogelio, Roges 4 short pro mas bet q Gelo pra same nicknme ntn start with G hihi, oks b? Nkuha q pla 2ng # mu dun s tndhan s skool n pnglolodan mu, aftr mu ilista # mu dun sa listahan ni manang pg alis mu ngplod dn aq, inbngan tlga kta dun xenxa n ha bka sbhin u ini stalk kta pro hndi tlga pwamis, swear, mamatay man bespren qng c Jobert. Wla lng kc q alam n ibng way pra mkuha # u, sori ha sna d u glet. Abt nman dun s pm q syo s fb khit bgla u nag offlyn gus2 q mlaman u 22o lhat un. Mhal n mhal kta. Save u 2ng # q ha, w8 q reply m. ngatzzz!”.

Click SEND, loading, message sent.

Hintay reply.

Hintay…

Hintay…

Bulsa cellphone…

Tingin sa kaliwa-tingin sa kanan.

Sumipol.

Check ang cellphone.

Binasa ulit ang minesage.

Tinitigan ang screen

Hintay.

Hintay…

Tititit-ti-tit-tititit! Tititit-ti-tit-tititit!

“Oh my gad shet nag reply siya o! Kamusta naman ‘yun di ba? Eto na! ‘Yung tipong wala ka na pagasa pero ayun e, ayun! Whoohoo!”, dali-daling binuksan ang message.

Halos mawala sa ulirat si Rogelio nang mabasa ang reply ni Genoveva.

“K”

Capitalized, without period, solid.

Saan hahantong ang Karumaldumal, Kagimbal-gimbal, Kakilakilabot na reply na ito? Totoo kayang may nabubuong Fibonacci Sequence sa mga numerong nalilista ng mga nagpapaload sa mga loading stations?

Abangan…


TILAMSIK sa GABING MALIGAMGAM (an FB broken serye by Gen Thalz)

episode 3 season 1: If You See “K”

Ang Nakaraan… May kasabihan tayo diyan, “Past is Past” so who cares?

Animoy Walter Sparrow ng The Number 23 movie ang peg ni Rogelio matapos ma-receive ang “K” reply ni Genoveva. Pilit niyang dini-decipher kung ano ibig sabihin nun, kung may kaakibat ba iyong emosyon? May kaukulang pahiwatig o palipad hangin man lang sa kung anong tunay na nadarama ni Genoveva para sa kanya? Ang daming katanungan ang bumalot sa kanya.

“Bakit ganun ang reply niya? Ano kayang ginagawa o iniisip niya nung tinext niya ‘yun? May kinalaman ba ‘to sa past life ko? May BF na ba siya? Dahil ba ‘to sa Quantum Physics and Theory of Relativity or sa Law of Gravity? Tang ina ang hirap! Kung gagamitan ng psychology, dahil ba ‘yun sa repressed childhood memories niya kung meron man? Tangna talaga durog na durog na ko, mababaliw ako kaylangan ko ng tulong…”

Nag-dial ng number sa cellphone. “Di mo!”, biglang naalala hindi pala siya naka-unli call. “Shet!”, kinansel ang call, nag-reg muna. Buti mabilis ang network ngayon. Dial ulit. “Di mo alam dahil sayo ako’y ‘di makakain, ‘di rin makatulog buhat ng iyong lokohin, kung ako’y muling ii-“. “Hello Chong! Sakto andito na ko sa tapat ng pinto mo.”.

Agad palang nagtungo sa bahay ni Rogelio si Jobert “as a friend”. At bilang kaibigan naroon siya upang manggatong este sumaklolo.

Pagpasok ni Jobert sa kwarto ni Rogelio magkahalong gulat at mangha ang kanyang nadama sa kanyang nakita. “Wow chong eto ba papakita mo sakin? Asteeeg! May artistic side ka pala hindi ko alam, lupet mo chong!”.

Nagmistulang graffiti wall ang buong kwarto ni Rogelio. Tadtad iyon ng letter K. Iba;t-ibang font size, font color, at fonts. Naubos niya ata lahat ng font style sa Microsoft Word. Maski kama, unan, t.v. at bintilador meron.

“Chong tulungan mo ko gusto ko malaman ano ibig sabihin at bakit ganun ang reply sakin ni Genoveva? Letter K lang!”.

“E chong baka dahil lang ‘yun sa kakapakinig niya ng Kpop? Or baka nagtitipid siya sa load?”.

“Tang ina na naman chong hindi ba uso sa kanya ang unlitext pareho naman kame ng network!”

“Chong baka busy siya nung nag-text ka, pwede din na nagmamadali siya, infinite possibilities chong. Or baka tamad lang talaga siya mag-text, ganyan talaga mga babae chong! Bakit kasi hindi mo tawagan unlicall ka naman?”

“Awkward pa chong ‘di pa kame close e. Alam ko may something sa reply niya na ‘yun…”

“Pabasa nga ule ng text niya chong?”. Inabot ni Rogelio ang cellphone na naka-open na doon sa text ni Genoveva.

Ilang sandali ding pinagnilaynilayan ni Jobert ang reply ni Genoveva.  Bigla siyang tumayo at masinop na pinagmasdan ang mga letter K na sinulat ni Rogelio sa pader, dingding, kisame, sahig at kung saan-saan pa.

Salitan ang kanyang tingin sa cellphone at sa mga sulat sa kwarto.

Ano ang natuklasan ni Jobert? Hanggang kaylan magdurusa si Rogelio? Karma ba niya iyon dahil sa pamamana niya ng butiki gamit ang tingting ng walistingting at gomang intsik para mas malakas ang tira nung kabataan niya? O dahil iyon sa climate change na tinatamasa natin ngayon?

Sundan ang mga kapanapanabik na rebelasyon, aligasyon, kasagutan, sampalan at sabunutan dito lang sa Tilamsik sa Gabing Maligamgam…

Para sa ating Question of the Day Promo:

“Anong network ang gamit ni Rogelio?”

A.Globe
B.Smart
C.Sun
D.TM
E.Talk and Text
F.Red Mobile

Para sumali i-comment lang ang inyong kasagutan together with your name, address, signature, highest and lowest grade nung grade 6, favorite color ng Kabesa de Baranggay sa inyong lugar, at lakipan ng iyong natatanging larawan (passport size).

Andali lang ‘di ba? Kaya ano pang inaantay mo? Sali na! At manalo ng naglalakihang papremyo tulad ng African Elephant (for 1st prize), Bulldozer (2nd prize), and billboard size poster ng promong ‘to (3rd prize).

Goodluck!


 
TILAMSIK sa GABING MALIGAMGAM (an FB broken serye by Gen Thalz)

Ang Nakaraan…

Nag-register sa unlicall si Rogelio upang matawagan ang bespren na si Jobert “as a friend”, at bilang kaibigan nga, daglian itong sumaklolo sa naghihimutok na kaibigan…

episode 4 season 1: “Yakap sa Dilim”

“Ohmagad!”, sigaw ni Jobert as friend. “What the fuck dude?”, gulat naman ni Rogelio.

“Shet chong! Base dito sa text ni Genoveva sayo at sa mga sulat mo sa kwarto, na-realize ko na pang labing-isa sa English Alphabet ang letter K! At alam mo ba ibig sabihin nun chong?”, napalunok si Jobert as a friend.

“Alam ko na ‘yan, eleven, number of synchronicity…”, buntong hininga ni Rogelio.

“Exactly chong! It means one mind kayo, one soul, one heart! Bet mo?”, galak na bulalas ni Jobert as a friend.

“Haaay…”, sagot lang ni Rogelio.

“Furthermore K ang letrang ginamit nila Bonifacio para sa kanilang secret society. KKK. Code ‘yun chong code! Tatlong eleven! 11+11+11 = 33, thirty-three or 33rd degree, the highest degree in Freemasonry!”, naghuhumiyaw na sabi Jobert as a friend.

Napabalikwas naman itong si Rogelio sa kinauupuan. “What do you mean chong?”

“Ibig sabihin installment ‘tong text ni genoveva sayo chong! Need mo pa maka-receive mula sa kanya ng dalawa pang ‘K’ reply to form KKK or 33rd degree, at pagnangyari ‘yun…”, habang hinihimas ang goatee.

Sumabat agad si Rogelio. “Ibig sabihin mahal niya ko! Highest degree means highest feelings! KKK, three K means I Love You! Whoohoo! Mahal nga din niya ko!”

“Hindi lang ‘yan chong maaari ka pa niyang ayain sa tinatawag na KKK (Kataas-taasan, Kadulu-duluhan, Kadilim-diliman) secret place ng sinehan sa first ever date nyo!”

“Tama-tama! Whoohoo! Salamat chong mataas na ule self-esteem ko!”

“What are friends are for?”, naluha habang niyayakap ang kaibigan.

Biglang bumukas ang pinto ng kwarto.

“Oh my ghad…M2M!”, nabitiwan ng ermat ni Rogelio ang dala-dalang meryenda.  

Nagkalansingan ang nabasag na pitsel at baso kasama ng platito. “Ma!”, gulat na sigaw ni Rogelio. Agad niyang pinuntahan ang ermat, hinihimas-himas sa likod.

“Oh my ghad…oh my ghad…hinde…ang anak ko…oh hinde!”, tulala nakatingin sa kawalan.

“Ma! Ma!”

“Hindi ‘to maaari, ano na sasabihin ng pa- nila- oh my ghad! Hinde…”

“Ma let me explain!”

“Tita mali po ang inaakala niyo…”

“Sapat na ang nakita ko. Oh my ghad hindeee! (nilamukos ang mukha at buhok) Anak ano ba naging pagkukulang namin sayo?! Hindeeee!”. Humahagulgol na ang ermat.

“Ma ano ka ba? Mali sabi ang iniisip nyo!”

“Oo nga tita…wala po kameng rela-”

“Hinde! Ayoko na marinig mga plaiwanag nyo. Makakarating agad ‘to sa papa mo Rogelio Bragancia Jr. pati sa parents mo Jobert!”, nanggagalaiti na bitaw ng ermat.

Biglang nag-ring ang cellphone ni Rogelio.

Sino ang nasa likod ng pagtawag na ito? Totoo nga kaya ang hinala ng ermat ni Rogelio tungkol sa kanila ni Jobert as a friend na SO o Secret On sila? Hanggang kaylan magaantay ng dalawa pang K reply ni Genoveva si Rogelio upang mabuo ang KKK at masabi sa sarili na mahal nga din siya nito? Mahimasmasan pa kaya sa pagkawindang ang ermat ni Rogelio? Bakit kasi hindi nila ni-lock ang pinto bago magyakapan? Alin ang alin? Ano ang ano? Sino ang sino?

Abangan ang mga eksplosibo at naglalakihang kasagutan sa mga eksklusibong tanong na nanganganak nang nanganganak pa ng panibagong tanong dito lang sa nagiisang brutal drama serye sa internet ang… Tilamsik sa Gabing Maligamgam.

Para sa karagdagang katanungan…

“Anong meryenda ang dala-dala ng ermat ni Rogelio?”

*Available soon

- Tilamsik sa Gabing Maligamgam on HD, DVD and 4D format.
- Tilamsik sa Gabing Maligamgam OST on CD and Mp3 (in 5.0 dolby surround sound).
- and Tilamsik sa Gabing Maligamgam Magic Tumbler and Memorable Keychain.


TILAMSIK SA GABING MALIGAMGAM (an FB broken serye)

Ang Nakaraan…

May tumawag sa cellphone ni Rogelio.

Episode 5 Season 1: “Hello, is it me you’re looking for?”

“Hello?”

“eee-aaa-eee.”

“Hello? Hello?
“iii-eee—aaa-“

“HELLO! Sino ‘to?!”

“HELLO! (napa-ilag ang tenga ni Rogelio sa cellphone) Hindi mo ba ko naririnig? Kanina pa ko hello nang hello!”

“Choppy ka kaya, sina ba ‘to?”

“Is this Rogelio Bragancia Jr. aka Gelo?”

“Oo bakit may angal? Sino ka ba ha?

“Hi Gelo! Si Gen-gen ‘to remember?”

“Ge-… Weh ‘di nga? ‘Wag ka mang stir d’yan Jobert ha tatambangan kita!”

“Jobert who? Ok ka lang ba? Si Genoveva nga ‘to, ‘yung kinuha mong number sa listahan ng mga nagpapaload ke manang? Knows mo na?”

“My gad! Ha- Shet ‘di ko alam sasabihin ko. ‘Di ako makapaniwala. ‘Kaw ba talaga ‘yan my Gen-gen?”
Halos hindi magkamayaw sa pagkaligalig si Rogelio sa sobrang kilig.

“Oo nga po. So how are you?”

“Eto malapit na sa State of Nirvana.”

“Wow talaga? Nagme-meditate ka pala?”

“Naku hindi ah!”

“E bakit mo nasabi?”

“E kasi nakausap na kita.”

“Hahaha! Ang funny mo talaga! Kung katabi lang kita ngayon nasampal na kita.”

“Teka. Wala ka ba naririnig?”

“Ha? Wala naman? Bakit?”

“Ayan o anlakas-lakas, ‘di mo talaga naririnig?”

“Ano ‘yun?”

“Parang mga maliliit na pakpak na lumilipad?”

“Maliliit na pakpak…? Saan? Hmmm. Alam ko na ‘yan. Sasabihin mo nasa langit ka na at may mga angel…”

“Oops, wrong! Butterfly in my stomach po hihi”

“Hahaha you’re so cute talaga ha!”

Tuloy ang flirtan ng dalawa. Hindi nila namalayan ang oras, mutual ang feelings. Kilig na kilig, giliw na giliw. Konting pihit na lang papunta na sa SOP siguro, andun na kasi ang lalim ng hinga nila at panaka-nakang pag ungol. Masayang-masaya si Rogelio. Nakalimutan na ang mundo, andun na siya sa tugatog ng tagumpay.

“Ansarap mo palang kausap Gelo. Palagay ko in-lo-“

Biglang napabalikwas-bangon si Rogelio dahil sa malagkit na likidong dumadaloy sa kanyang mukha mula sa nakangangang bunganga ni Jobert as friend na siya naman ding ikinagising nito.

Saan hahantong ang naudlot na panaginip na ito? Gaano karaming laway ni Jobert ang dumaloy sa mukha ni Rogelio bago siya naalimpungatan? Posible kayang sa alternate reality ay nakakausap na ni Rogelio si Genoveva? Ano ang hottest temperature na naitala sa kalakhang Maynila as of April 12, 2013?

Abangan ang mga maiinit na kasagutan dito lang sa nagiisa at walang gustong pumaris na brutal drama serye sa hibla ng interner world, ang… Tilamsik sa Gabing Maligamgam. 


TILAMSIK SA GABING MALIGAMGAM (an FB broken serye)

Ang Nakaraan… Hindi kanina, hindi kahapon, hindi nung isang araw, at lalung hinding-hindi nung isang linggo. Ang nakaraan. Hindi din last month, last year, o last century. Hindi naman din matiyak kung ito ba ay isa nang history, ang nakaraan…

*Ang susunod na mababasa ay Rated SPG. Striktong patnubay at gabay ng magulang ang kaylangan. Maaaring may maseselang Tema, Lengwahe, Karahasan, Sekswal, Horror, o Droga na hindi angkop sa mga bata.

Episode 6 Season 1: “Muntik Nang Maabot ang Langit”

Nagising si Rogelio mula sa isang napakaganda at napakadalisay na panaginip, muntik na niyang maabot ang langit at makamtan ang matamis na oo ni Genoveva nang bigla itong maabala ng rumaragasang laway ni Jobert as friend. Hindi ko alam kung parte pa ba ng kanilang pagkakaibigan ang magtuluan ng laway habang tulog, subalit as a friend nga o bilang kaibigan kailangan niyang tanggapin iyon ng buong puso at walang halong ni katiting man lang na bahid ng pagaalinlangan at pagkasuklam…

“Ay powtek ka naman chong badtrip ka! Pakaganda na ng panaginip ko e!”

“Putek chong buti ginising mo ko ansama ng panaginip ko kala ko totoo shet! Nalulunod ka daw sa baha tapos hindi kita masagip!”

“Gago totoong nangyari ‘yun! Muntik na ko malunod sa laway mo hayup ka!”

“Ganun ba? Sori naman tao lang. E ano ba kasi ‘yung panaginip mo?

“Tumawag daw si Genoveva, nagkwentuhan kame walang puknat tapos nung sasabihin na niyang I love you naputol dahil nga sa lintik na laway mo!”

“Hahahaha! Chong nananaginip ka pa ba? Tulog ka kaya ulet. Excited ka lang siguro sa date ninyo mamaya!”, sabay akap sa hotdog na unan at pumikit ulet.

“Ha?! Anong ibig mo sabihin dude? Anong date naming dala-?”

Biglang nag-ring ang cellphone ni Rogelio, si Genoveva tumatawag.  Nagulat si Rogelio, sinagot agad ang tawag, marahan ang pag-hello.

“He…ll…looow…?”

“Hello lang talaga? Hindi mo na nga ko binati ng happy monthsary kaninang umaga, hindi mo pa ko tinawag sa terms of endearment natin?!! (naghuhurumintado ang boses ni Genoveva, nawala ang poist. A kikay is now turns into a palengkera) Kanina pa ko tawag nang tawag at text nang text hindi mo sinasagot!!! Tanghali na hindi ka pa nakagayak! Ano ba gusto mo  ha? Gusto mo tapusin na natin ‘to e! Ano ha?”

“Teka-teka! Wait lang. Ano ba pinagsasabi mo? Anong monthsary? Tayo ba?”

“Hindi ka nakakatawa ha… Sabihin mo lang kung wala kang time sakin… Kung ayaw mo ko makasama… Bumili pa naman ako ng bagong bistida sa Forever 21 para sa okasyon na ‘to tapos ganyan ka… Huhuhu… (biglang naiyak)”

Kahit nawiwirduhan pinatahan ni Rogelio si Genoveva bunsod ng labis niyang pagmamahal dito.

“Tahan na babes…”

“Waaaaah! (humagulgol lalu) Hindi babes tawagan natin huhu!

“Oo nga alam ko, tinetesting lang kita honey!”

“I hate you na sobra! Heart ang tawagan natin! Grabe ka talaga! I hate you! I hate you!”

“Joke lang heart ‘to naman… Sige na tahan na. Gagayak na ko, napuyat lang kasi ko kagabi sa lamok. San mo nga pala gusto pumunta?”

“Surprise me! (sumigla na ulet)”

“Ok sige meet na lang tayo sa kanto ha dun sa Ministop. Mga bandang 4pm, oks ba ‘yun heart?”

“Sige heart! I love you mmmmmmwah!”

Kinilig si Rogelio na hindi makapaniwala.

“I love you too! Slurp!”

Makalipas ang ilang oras… 4pm na. On time si Rogelio panay ang ayos ng buhok habang inaantay si Genoveva. Bumili pa ng hairstyling wax na nasa sachet.

“Hi heart Happy Monthsary!!! Gift ko sa’yo.”

“Wow thanks heart nagabala ka pa talaga. Pano ‘yan wala ko gift sa’yo?”

“Ok lang. Kasama lang kita Masaya na ko. Hihi…”, sabay hawak sa braso ni Rogelio.

“Shall we?”, tumango si Genoveva at agad silang sumakay ng jeep, ng bus, at ng mrt. Bumaba sa Ayala station, sa Glorietta pala ang tungo.

Kumain sa Shakey’s. Bumili ng milktea sa Chatime, winter watermelon. Iniinom nila ‘yun habang nag-i-stroll sa mall. Maligalig silang dala, walang pakialam sa mundo puno ng pagmamahalan at umaapaw sa ka-sweetan. Napadaan sila sa sinehan, showing na ang Iron Man 3.

“Heart watch natin o Iron Man 3? Type mo ba?”

“Oo naman heart! Ganda kaya ‘yan.”

“Yey!”, biglang hug tight sa kanyang hearty.

Agad bumili ng ticket si Rogelio. Naalala niya bigla ang KKK secret place sa sinehan na tinuro ni Jobert as a friend. Napa-grin smile si Rogelio. “Haha maaasahan ka talaga Jobert! Tunay kang kaibigan kahit tumutulo laway mo pagtulog!”, ngising bulong niya sa sarili.

Tangan-tangan pa din nila ang biniling milktea na may pearl. Pagpasok sa loob nilamig agad ang dalawa. Alam na natin kung saan dinala ni Rogelio si Genoveva. Doon sa pinakataas, pinakasulok at pinakamadilim na bahaging lugar ng sinehan.

“Heart giniginaw ako.”

Mabuti na lang naka-jacket si Rogelio kahit summer.

“O eto mag-jacket ka muna heart.”

“Heart ang ginaw pa din…”, sumandal kay Rogelio.

Sinamantala iyon antimano ni Rogelio. Inakbayan niya si Genoveva. Hindi pumalag. Diniinan ang akbay tipong paakap. Hindi pumalag. Hinawakan niya ang kamay. Hindi din pumalag. Hinalikan niya sa bumbunan. Hindi din pumalag. Hindi na mapakali sa Rogelio may kakaibang kislot ang sa kanya ngayo’y bumabalot.

Napaunat ng ulo si Genoveva at napatingin sa kanya. Tinitigan siya nito, medyo malagkit. Oo madilim sa sinehan pero nagkakatitigan talaga sila. Walang bumibitaw. Pumikit si Genoveva, akmang hahalik sa lips ni Rogelio, napapikit na din siya. Dahan-dahan naglapat ang kanilang mga labi, unti-unting bumubuka, marahan na ngumangasab-ngasab hanggang sa mapa-atras ng ulo si Rogelio…

“Heart ang baho ng hini-“, pagdilat niya nasa loob siya ng kanyang kwarto at nakatapat ang mukha sa pwet ni Jobert as a friend.

“Ay puta nasa panagi- Fuck you ka Jobert ang baho ng utot mo mamatay ka na sana hayup ka! Walang hiya ka ba’t sa mukha ko pa?!!!!”

“Ano ‘yun chong? Hasel ka naman pare ansarap matulog nambubulabog ka. Utot lang ‘yan dude what are friends are for?”

Hanggang kaylan magtitiis si Rogelio sa mga sleeping habit ni Jobert as a friend na may halong kababuyan, kawalangyaan, at kabrutalan? May katwiran nga ba si Jobert as a friend na “What are friends are for?”? At bilang matalik na kaibigan, dapat pa bang tanggapin iyon ni Rogelio ng buong puso at walang halong pagaalinlangan? Kailan masasabi na ito ay Sukdulan na at marapat nang kalusin ang salop?

Sa kabilang banda, tuluyan na kaya talagang nagising si Rogelio? Hanggang kaylan siya magpapaikot-ikot sa loob ng panaginip? Magtuloy kaya ito sa dream within a dream within a dream within a dream within a dream? Siya ba kaya talaga ang nananaginip o bilang kaibigan ay inako iyon ni Jobert as a friend? Or baka naman si Genoveva? Walang nakakaalam.

Abangan na lang ang lahat ng kasagutan dito lang sa nagiisa, walang kaparis, walang katulad at walang gustong gumaya na brutal drama serye sa internet… ang Tilamsik sa Gabing Maligamgam copyright 2013.

Para sa ating Question of the day Promo:

“Ano ang amoy ng utot ni Jobert as a friend?”

A.Bulok na itlog
B.Kulob na pakuraban
C.Pusali

Follow up Question:

“Gaano ka-nose friendly ang utot ni Jobert as a friend?”

A.Slight
B.Nose friendly talaga
C.No Reaction


TILAMSIK SA GABING MALIGAMGAM (an FB broken serye)

Ang Nakaraan…

Mag-imagine ka ng isang pangyayari na ikaw lang nakakaalam at natitiyak mo sa sarili na ito nga ay nangyari. Random lang kahit ano. Kung may napili na, damhin itong mabuti isipin na nandun ka mismo ngayon sa eksena na ‘yon, gawin mong makatotohanan sa isip mo. Kapag nagawa mo na, ang tanong ngayon, nangyari nga ba talaga ang alaala na ‘yun sa waking life mo isa lamang ‘yung panaginip na naimbak sa memory mo? Alin ang totoo?

Nagising si Rogelio sa isang panaginip at nagising pa magmuli sa isa pang panaginip.

Episode 7: “How Deep is Your Love?”

“Oy chong good morning, kamusta? Ke-aga-aga nakakunot noo mo diyan…”, palakaibigang pagbati ni Jobert as a friend sa kanyang matalik na kaibigan na si Rogelio na ngayo’y nakadayukdok at nakahalukipkip sa may beranda.

“Wala pre pinagmamasdan ko lang ‘tong mga langgam dito, mabuti pa sila alam na alam nila where they belong ganyan lang sila samantalang tayo puno ng uncertainties ang life. ‘Yung iniisip nga nating kahahantungan natin matapos rito e hindi pa natin tiyak kung totoo ba o hindi e …”

“Whoa! Whoa! Lighten up dude, ang deep natin ngayon ah. Kape ka nga muna nang mahimasmasan ka.”, sinserong abot ng kape ni jobert as a friend sa kanyang kaibigang na sa puntong ‘to e sinaniban ata ni Socrates.

“Hindi tol iniisip ko lang kung san ba ko lulugar sa puso ni Genoveva?”

“Tol ang daming babae! Andiyan si Geeraldyn at Gertude sa may kanto, G din start name nila.”

“Iba si Genoveva chong! Damang-dama ko siya! Ramdam mo ba?”

“E kung ganyan par dapat ang pagtuunan mo na lang muna ng pansin e kung pano mo siya mapagre-reply ng dalawa pang K para malaman mo na mahal ka nga din niya!”

“Ay putek! Antalino mo talaga pards! Good idea ‘yan ah. Sige-sige. Ano kayang magandang i-text sa kanya para mag-reply ng K?”

“Hmmmm… Ask mo kaya kung nag-breakfast na ba siya?”

“Malamang OO o HINDi lang sagot niya diyan par, iba pa dali.”

“Aaah… Kamustahin mo kaya ganyan?”

“Tol naman OK LANG or I’M FINE tiyak reply niya niyan.”

“Sure ka chong? Malay mo ‘di mag-reply ‘di ba?”

Ansama bigla ng titig ni Rogelio kay Jobert as a friend, hindi niya tuloy ma-assess kung Tiger Look lang ba ‘yun ng kanyang kaibigan o isa itong friendly stare.

“E kung i-text ko ulit kung gano ko siya kamahal?”

“Pwede din chong. This time dapat tagos sa buto niya, tipong mapapaluha siya at mapapatakbo papunta dito para yakapin ka.”

“ Tama-tama! Sige pag-isipan ko ‘yan.”

Makalipas ang ilang oras buo na ang text message ni Rogelio at ready na siyang i-send ito.

“Hi Gen-gen. Musta u? Aq e2 ndi me sleep, ndi me eat ka2icp u & kung ano b ibg mung xabhn xa ‘K’ rply mu skn las dey. Pro kht pnphrpan mu me mgicp, rmmber mu lng luv n luv kta. And2 lng aq lgi 4 u, tke cre alwys h? Mhal n mhal kta. No adjctve cn dscribe wat I fil 4 u. Kw ang ngbgay kulay xa lyf q, grbe kung mpifil mu lng sna kung gno kta kluv. Haay Gen-gen luv na luv kta. I luv u! Eat n b u? Sna mgk2luyan tyo. Kw ang pngarap q. F evr mging tyo ashan mu n I wil tke cre of u & I wil protct u. Sori kung d2 q xa txt cnsbi 2, n22rpe kc me pg khrap u. Pro lam q sumdy mssbi q dn 2 xa face mu ay mali xa fb mu pla. Cge gang d2 n lng muna 2 wla n me msbi, sna mreciv u 2 ng buo at ndi sum txt missing. Un lang, I luve u ulit! Mwah!

Click send.

Sending…

Message sent!

Waiting for reply.

Mabutit mabilis ang reply ngayon ni Genoveva tinamaan ata sa pure and full of love text ni Rogelio. Dali-daling inopen ni Rogelio ang message ni Genoveva na may halong kaba sa dibdib.

Click open.

Loading…

“ü”, ang reply ni Genoveva.

Saan hahantong ang textan na ito? Makuha pa kaya ni Rogelio ang ikalawang K reply upang mabuo ang KKK na itinuro sa kanya ni Jobert as a friend upang malaman daw niya kung mahal nga din ba siya ni Genoveva o hindi? Ano ang tamang text para mag-reply ng “K” si Genoveva?

Sundan ang mga umaatikabong eksena at mga maaanghang na kasagutan dito lang sa Tilamsik sa Gabing Maligamgam!

Para sa ating Question of the Day Promo:

“Bilang nagiisa at natatanging avid fan, tagasubaybay, mambabasa ng nagiisa at namumukod tangi ding brutal drama serye sa internet na Tilamsik sa Gabing Maligamgam, ano ang masasabi mo sa nababalitang pagdi-dinner date di-umano ni Pres. Pnoy ke Bianca Manalo? May kaugnayan kaya ito sa pananalanta ng isang buhawi kasabay ng pagulan ng yelo sa may Balagtas Bulacan kamakailan lang?”

*Kung YES ang sagot, sabihin ang dahilan kung bakit at ipagkalat ito sa siyam mong matatalik at mapagkakatiwalaan na kaibigan.

*Kung NO ang sagot, kimkimin ang dahilan kung bakit sa loob ng anim na taon o hanggang sa sumikip ng husto ang dibdib. ‘Wag ipagkalat kahit pa sa pinakamamahal mong kasintahan.





 














   



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento