Lunes, Mayo 20, 2013

Bakit Pinapagalitan ang Batang Makulit



Noong unang panahon may isang bahay sa kanayunan na kulay Pink at may maliit na hardin sa bakuran. Doon nakatira sila Papa, Mama, at Lily.

      Sakit sa ulo ng kanyang mga magulang si Lily. Masyado siyang pasaway, makulit at matigas ang ulo kaya naman parati siyang napapagalitan ng mga ito.

      Isang gabi matapos kagalitan dahil sa nilaro niyang pagkain, nagkulong si Lily sa kanyang kwarto at nagiiyak. “Parati na lang nila kong pinapagalitan, hindi ko naman sinasadya ah. Hindi na ata nila ko love..”, tulo luha at baradong ilong na iyak ni Lily.

      Hanggang sa makatulog siya nang hindi namamalayan. Naglakbay ang kanyang diwa sa loob ng panaginip. Mukha itong pinaghalong mundo ng mga fairytales at fantasy  stories na kanyang nabasa o napanood.

      Sinundan niya kung saan patungo ang Yellow Bricks.

      Napadpad si Lily sa medyo may kalakihang bahay na gawa sa gelatin at gulaman. Sinalubong agad siya ni Ms. Jelly Tin na siyang mayari ng bahay.

      “Hello Lily. Come in! Kanina pa kita inaantay.”, nakangiting pagbati ni Ms. Jelly Tin habang nagtataka naman si Lily.

      Pagpasok sa loob natabig ni Lily ang isang pusang pigurin na gawa sa candy, “Ok lang ‘yan halika dali pasok.”, nakangiting anyaya ni Ms. Jelly Tin. “Hindi n’yo po ako pagagalitan?”, takang tanong ni Lily. “Bakit naman kita pagagalitan? Halika maupo ka na dito at kumain.”, nakangiti pa din si Ms. Jelly Tin.

      Natuwa si Lily kaya agad siyang naupo sa harap ng mesa. Lalu siyang natuwa nang makitang puro paborito niyang pagkain ang nakahanda tulad ng ice cream, cakes, pastries, potato chips, cheese curls, at inuming softdrinks, syempre madaming gelatin at gulaman.

      “Wow ansarap ng mga ‘to!”, tuwang-tuwa si Lily hindi niya alam kung anong uunahin.

      Nang magsawa, hindi niya naubos ang kinuhang pagkain kaya nilaro na lang niya iyon at ikinalat sa buong Dining Room. Hindi naman siya pinagalitan ni Ms. Jelly Tin bagkus sinabihan pa itong maglaro ng tubig sa labas pagkatapos.

      “Ansaya naman po dito! Walang bawal, lahat pwede!”, tuwang-tuwang sabi ni Lily. “Oo naman Lily pero kaylangan mo nang umuwi balik ka ulit ha?”, anyaya ni Ms. Jelly Tin. “Sigurado po ‘yun!”, nakangiting sagot ni Lily.

      Kinagabihan habang naghahapunan si Lily at kanyang magulang napagalitan na naman siya dahil sa pakikipagaway sa kaklase.

      Nang matapos magsermon ang kanyang Mama at Papa agad siyang dumeretso sa kanyang kwarto pero hindi upang umiyak kundi para matulog.

            Nagpunta na naman siya sa bahay ni Ms. Jelly Tin, Malaya na naman siya at nagagawa ang gusto.

      Nagpabalik-balik si Lily sa panaginip, naging gawi na niya ito matapos pagalitan ng magulang. Hanggang sa napagdesisyunan na niyang ‘wag nang umalis sa bahay ni Ms. Jelly Tin.

      “Talaga dito ka na titira?”, tuwang-tuwa si Ms. Jelly Tin. “Opo, ayoko na samin lagi naman akong pinapagalitan doon e.”, sagot ni Lily habang sila’y magkaakap.

      Naglaro nang naglaro si Lily. Nagkalat, nagbasag, nagdumi. Nagaksaya ng pagkain, tubig at iba pa. Lahat ginawa niya, walang bawal.

      Samantala nagtaka naman ang Mama ni Lily nang tanghali na ay hindi pa siya bumababa para magalmusal kaya agad niya itong pinuntahan sa kwarto. “Lily anak tanghali na bangon na mahuhuli ka na sa school mo.”, subalit nagtaka siya nang hindi ito sumasagot.

      Makailang beses niyang ginising si Lily pero wala pa din kaya nataranta na ang Mama niya at tinawag ang asawa. Pinulsuhan nito si Lily, humuhinga pa naman subalit walang malay.

      Hindi na nagaksaya ng panahon ang magasawa, agad nilang sinugod si Lily sa pinakamalapit na ospital.

            Wala namang nakitang problema ang doktor pero hindi niya maintindihan kung bakit walang malay si Lily. Pinayuhan niya ang magasawa na ilagi muna sa ospital si Lily para maobserbahan.

      Doon naman sa panaginip, hindi namalayan ni Lily na tumaba na siya, lumobo at bumigat ang katawan. Sumasakit na din ang kanyang tiyan dahil sa kakakain ng matamis. Humantong na din na nabagot na siya sa kanyang mga ginagawa doon.

      “Namimiss ko na sila Mama at Papa..”, malungkot na sabi ni Lily. “Bakit ayaw mo na ba maglaro? Etong cake o kain ka pa.”, nakangiting alok ni Ms. Jelly Tin.  “Nakakamiss din pala ‘yung may nagbabawal sayo, may nagsasaway. Mahal pala nila ko. Naintindihan ko na ngayon kung bakit nila ko pinapagalitan, para maging mabuting bata ako. Gusto ko nang umuwi!”. Madiing sabi ni Lily.

      “Hindi ka na makakauwi! Dito ka lang! Sasamahan mo ko! Maglalaro tayo ng maglalaro!”, lumaki ang boses ni Ms. Jelly Tin at unti-unti siyang naging halimaw, halimaw na gelatin. “Aaaaaahhh!”, natakot si Lily binato niya ng cake sa mukha ang halimaw sabay takbo.

      Naghabulan ang dalawa sa buong bahay. Ilang beses na kamuntikang maabutan ng halimaw si Lily mabuti na lamang at nakakalusot siya. “Hahaha! Ito ang gusto mo ‘di ba?! Pwes hindi ka na makakaalis dito! Hahaha!”, humahagalpak na tawa ng halimaw.

      Nakalabas ng bahay si Lily subalit hindi niya mahanap ang labasan sa panaginip. Paikot-ikot lang sila at unti-unting nasisira ang mundong iyon. Pasikip na nang pasikip ang kanyang nalulusutan at napagtataguan.

      Habang nangyayari iyon sa loob ng panaginip ni Lily alalangalala naman ang mga magulang niya sa kanya. Tumataas-bumababa kasi ang guhit sa Heart Monitor na nakasaksak sa kanya.

      “Anak kung nasan ka man bumalik ka na. Promise hindi na kita pagagalitan. Nagagawa ko lang naman ‘yun dahil para din sayo anak para mapabuti ka. Mahal na mahal ka namin ng Papa mo anak.”, umiiyak na sabi ng kanyang Mama habang hawak ang kamay ni Lily. Hinihimas naman ng kanyang Papa ang likod ng asawa.

      Narinig ni Lily ang mga sinabing iyon ng kanyang Mama, naluha siya. “Mama, Papa antayin n’yo ko pabalik na ko diyan.”, matapang niyang sabi habang hinahabol ng halimaw.

        Mula doon nakita niya ang isang pintuan na unti-unting lumiliit. Binilisan niya ang takbo, kaunti na lang maabutan na siya ng halimaw. “Hindi ka makakalabas ditooo!”, sigaw ng halimaw sabay pahaba sa kanyang galamay.

      Nakalusot si Lily sa lagusan subalit nahawakan ng halimaw ang kanyang paa. Nagpupumiglas si Lily hanggang sa maalala niya ang candy pops na nasa bulsa. Isinaboy niya iyon sa halimaw. Nagputukan ang candy pops at nabitawan siya ng halimaw, tuluyang nakalusot sa lagusan si Lily.

     “Mama, Papa.”, ang unang sambit ni Lily pagkadilat. “Anak.. anak..”, lumuluhang sabi ng kanyang Mama habang mahigpit siyang akap nito. Hinalikan naman siya sa noo ng kanyang Papa.

      “Ma, Pa. Simula po ngayon susunod na ko lagi sa utos n’yo hindi na po ako magpapasaway. Naiintindihan ko na po ngayon kung bakit n’yo ko pinapagalitan.”, seryosong sabi ni Lily. “Salamat anak. Mahal na mahal ka namin ng Papa mo.”, naluluha pa din ang kanyang Mama habang sila’y magkakayakap.

      Nung araw din na ‘yun lumabas ng ospital si Lily. Namasyal sila ng kanyang pamilya at nag-bonding. Naging mabuting bata si Lily, may oras na lumalabas pa din ang kanyang kakulitan subalit nauunawaan na niya ngayon kung bakit siya pinapagalitan.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento