Linggo, Mayo 26, 2013

EPISODE 9: “Ang Tumatawa ng Malakas Pag Umiyak Wagas!”


Tilamsik sa Gabing Maligamgam (an FB broken serye)

Ang Nakaraan…

May mga nakaraan o nakalipas na hindi natin maalala o ayaw na talaga nating maalala, hindi natin matandaan o sadyang ayaw tandaan. May mga nakaraan na pilit nililimot, nakalimutan, o sadyang nilimot dahil sa bigat, hapdi, at kirot nitong dala-dala sa ating alaala kaya siguro mabuti pa ‘wag na lang natin pagusapan, ang nakaraan…

“Hello? Hello! Pareng Jobert!”

“Oy pare napatawag ka?”

“Guess what?”

“What dude?”

“Malapit nang maging kame ni Genoveva putang ina!”

“Ulu! Fuck you ka! ‘Di nga?!”

“Oo nga tol, isang K reply na lang niya tol shet!”

“Ay pota ayos ‘yan chong, congrats!”

“Oo pards kaya magbihis ka na at magpapainom ako!”

“Ayun lang par negative ako ngayon…”

“Bakit naman? Asan ka ba?”

“Dito ko ngayon sa parlor e.”

“Pota ka namamakla ka na naman kakainom mo lang antibiotic nung nakaraan ah?”

“Gago nagpapa-highlights lang ako!”

“Pa-highlights mu mukha mu! Halika na kasi!”

“San ba tayo?”

“Dun sa dati same time.”

“Sige sunod ako, textan na lang.”

“Bye!”

At dumating nga ang oras na “same time” na kanilang napagusapan na sa totoo lang maski ako ay hindi alam kung anong oras ba talaga ‘yun, tanging silang dalawa lang ang nagkakaunawaan. Nandun na din sila sa “dun sa dati” na lugar na kanila ding napagusapan na wala din kahit sino ang may ideya kung saan.

Medyo madilim ang lugar. Patay sindi ang mga ilaw. Hindi naman ganun karami ang tao babae’t lalaki pero ‘di kinaya ng aircon kaya mainit sa loob. Maingay. Sari-saring ingay, tawanan, daldalan, kwentuhan, bidahan, palakpakan, at may kaunti ding iyakan. May tumutugtog sa harap, acoustic version ng Giyomi kaya may mangilan-ngilan ang sumasabay sa sign language dance nito.

Nakaupo ang dalawa sa may bandang gitna. May pork sisig sa lamesa, isang bucket ng Redhorse, ashtray, at tissue na nasa tissue holder. Maligalig at puno ng kagalakan na nagkukwento si Rogelio sa kanyang kaibigan habang mataimtim at buong puso namang nakikinig si Jobert as friend sa kanyang natatanging kaibigan. Wala nga lang kasiguraduhan kung tumatawa nga ba si Jobert as friend kasi natatawa talaga siya o ginagawa lang niya ‘yon bilang kaibigan or parte iyon ng kanilang samahan. Wala din talagang tiyak na nakakaalam subalit tunay at wagas talaga silang magkaibigan simula’t sapul ng kanilang kabataan.

“HAHAHAHAHAHA”

“Hahaha!”

“Hindi nga tol?”

“Oo tol.”

“HAHAHAHAHAHAHAHA!”

“Tawa talag ko nang tawa nun hahaha!”

“Nakakatawa naman kasi talaga dre hahaha!”

“Sinabi mo pa hahaha!”

“HAHAHAHAHAHA! HAHA! HA! HAHA! HAHAHA! HA!”

“HA! HA! HAHA! HAHAHA! HAHAHAHAHA!

Halos hindi na makagulapay ang dalawa sa kakatawa, nanapasipa pa sila sa ilam ng mesa, panaka-nakang napapasuntok hangin at malimit na napapahamas ng kamay sa lamesa. Ewan lang kung ano ba ‘yung kanilang pinagtatawanan. Habang ang banda acoustic version na ng Harlem Shake ang binabanatan, eto na siguro ‘yung kanilang pandiin.

Subalit nabasag ang masayang kwentuhan at tawanan ng dalawa nang biglang…

“Teka pareng Gelo nakikita mo ba ‘yung nakikita ko?”

“Hindi e. San banda pareng Jobert? Anong oras?”

“6 o’clock mo.”

“Pakagago mo talaga, ‘di ko talaga makikita ‘yan!”

“Wag ka pahalata, lingunin mo dahan-dahan… Ay puta shet!”

“Bakit ano ba ‘yun?”, habang marahan na lumilingon sa likuran niya.

Agad na tumayo si Jobert upang himasin ang likuran ng kaibigan sabay bitaw ng isang malamyos at mapagarugang kataga na “Tol andito lang ako…”, biglang natulala si Rogelio, nagngingilid ang mga luha. Ang kanina lang na labis niyang pagkaligaya ay biglang napalitan ng matinding pagdaramdam. Biglang nawalan ng saysay at kabuluhan ang lahat para sa kanya, gumuho ang kanyang mga pangarap at sa isang iglap nawalan ng ganang mabuhay nang makita sa kabilang table si Genoveva na may kasamang cute guy. Brush-up ang buhok, bukas ang polo may sandong puti sa loob. Shet ansakit…

Sa puntong ‘to pinipigilan na ni Rogelio huminga at pilit pinapahinto sa pagtibok ang kanyang puso, walang ibang tumatakbo sa isip kundi “Bakit-bakit-bakit?”. Walang ibang magawa si Jobert as friend sa kanyang kabigan kundi himasin ito sa likod at sabihan paulit-ulit ng “Kaya mo ‘yan tol andito lang ako…” na parang mantra. Gusto niya sana i-mouth to mouth resuscitation ang kaibigan upang hindi tuluyang mawalan ng hininga subalit andun ang pag aagam-agam niya dahil wala naman sila sa swimming pool o beach, ang diyahe nga naman.

Bagamat ganun pa man, andun talaga ang masidhing pagaalala ni jobert as a friend. Unti-unti namang pumapatak ang luha sa mga mata ni Rogelio habang tinutugtog ng banda ang acoustic version ng Price Tag. Andun na siya sa rurok ng kanyang pagdadalamhati ng biglang lumapit ang waiter at pinapapirmahan ang kanilang bill. At bilang kaibigan, umalma agad si Jobert as a friend.

“Wow sir antaba ng puso nyo, pakahusay ng timing nyo! Kita nyo nang nagdurugo puso ng kaibigan ko tas bigla mo kami sisingilin? May puso ka ba ha? Hindi ka pa siguro nasasaktan no? Heartache ‘yan ‘tol heartache! Pain pare para malinaw sayo! Manhid ka ba ha?”, sita ni Jobert as a friend sa cold hearted wicked waiter.  

Hanggang kaylan maghihintay ang waiter na pirmahan ni Rogelio ang bill nila? Magtagumpay kaya si Rogelio na mapahinto ang pagtibok ng kanyang puso? Saan hahantong ang paghimas-himas ni Jobert as a friend sa likuran ng kanyang kaibigang nagdaramdam?

SUNDAN…





 








Walang komento:

Mag-post ng isang Komento