Taong
kasalukuyan, may isang bata sa Maynila na nagngangalang Filipo ang napakahilig
maglaro ng computer at video games. Malimit siyang ma-late sa eskwela at
paborito niya ang mga salitang “Mamaya na.”, “Maaga pa.”, at “Bukas na lang.”.
Sa umaga ganito lagi ang kanilang eksena,
“Anak gising na mahuhuli ka na naman sa
school mo.”. “Mamaya na Mommy maaga pa naman e..”, antok na tugon ni Filipo.
Kapag inaaya siyang mamasyal ng kanyang Mommy, “Anak tara pasyal tayo sa Luneta
tapos punta tayong mall.”. “Bukas na lang Mommy nagdo-DOTA pa ko e.”, payamot
na sagot lagi ni Filipo. Kapag inuutusan siya,
“Anak bili ka nga muna sandali ng suka kay Aling Taleng.”. “Mamaya na Mommy,
ayan kinain tuloy ng mga Zombies ‘yung Plants ko, Mommy naman e..”, nagmamaktol
na sagot niya. Kapag may assignments siya,
“Hmp.. Maaga pa, maglalaro muna ko ng Ragnarok. Bukas ko na lang gagawin
assignments ko.”.
Ang hindi alam ni Filipo matagal na siyang
inoobserbahan ng Diyos ng Oras at Galaw ng Kosmiko na si Bangun Bangun dahil sa
pagbalewala at hindi niya pagrespeto sa oras.
Isang dapit-hapon habang naglalaro ng
kanyang paboritong video game si Filipo biglang umuga ang computer monitor
niya, nanginig ang keyboard at isang Black Hole ang unti-unting nabubuo sa loob
ng kanyang kwarto. Natakot si Filipo kaya mabilis siyang tumakbo papuntang
pintuan habang sumisigaw ng “Mommy! Mommy!”. Hindi niya
mabuksan ang pinto dahil natutulak ito ng malakas na hangin na nagmumula sa
Black Hole.
Hanggang sa isang malaking kamay na
kumukutitap ang dumampot kay Filipo papasok sa Black Hole, napasigaw na lamang
siya ng “Huwaaag! Ayokooo! Mommy tuloooooong!”.
Napunta si Filipo sa isang makulay
subalit kakaibang lugar. Maraming orasan sa paligid at mukhang cartoons ang
lahat. Nagtaka siya sa suot niyang red baseball cap at blue t-shirt na parehong
may malaking print na letter “F” sa gitna at nasa loob ng bilog. Mayron siyang
black na stopwatch at puruntong shorts, knee-high ang white socks, at tumutunog
ng “toink-toink!” ang sapatos kapag inilalakad.
Biglang sumulpot si Bangun Bangun,
“Welcome! Ako si Bangun Bangun, Diyos ng Oras at Galaw ng Kosmiko. Andito ka
ngayon sa loob ng isang video game.”. “Video game?!! Pa’no nangyari ‘yun?”,
gulat na tanong ni Filipo. “Kasi hindi ka marunong rumespeto sa oras at hindi
laging on-time.”, mahinahon at seryosong sagot ng Diyos ng Oras. “Parang awa
n’yo na po please ibalik n’yo na ko sa amin, hahanapin po ako ng Mommy ko..”,
pakiusap ni Filipo.
“Makakabalik ka lang kung matatapos mo
‘tong laro sa loob ng sixty minutes. Kapag lumagpas du’n, hindi ka na
makakaalis dito forever!”, nakangiting sabi ni Bangun Bangun. “Forever?! Sixty minutes.?!
Ikli naman!”, nataranta si Filipo. “Anong klaseng
laro po ba ‘to?”, dugtong niya. “HAHAHA! Your time starts NOW!”, unti-unting
naglaho si Bangun Bangun, at nagsimula na din mag-countdown ang stopwatch.
“Sandali po!”, habol niya.
Dahan-dahan namang lumalapit kay Filipo
ang isang matandang babae na may hawak na tungkod at lumang aklat nang hindi
niya namamalayan, “Ang propesiya, ang propesiya..”, bulong nito. Nagulat si
Filipo nang sumigaw ang matanda ng, “Mga kababayan! Ang propesiya narito na!”.
Nagdagsaan papunta kay Filipo ang mga
nilalang doon. Halos kasing tangkad niya lahat, sabay-sabay silang nagsasalita
ng “Ang propesiya! Ang propesiya!”, pinalibutan siya ng mga ito. “Ha?! Anong
propesiya?!”, pagtataka ni Filipo.
“Ikaw ang propesiya!”, pinakita ng
matanda kay Filipo ang isang larawan mula sa pahina ng aklat na hawak nito.
Hindi makapaniwala si Filipo, kamukhang-kamukha niya iyon pati kasuotan.
“Pakiusap tulungan mo kame, iligtas mo
ang aming Prinsesang Nakaupo sa Tasa sa kamay ni Haring Horos..”, pagmamakaawa
ng isang batang babae. Sabay-sabay na naman nagsalita ang iba pa, “Tulungan mo
kame, iligtas mo ang Prinsesang Nakaupo sa Tasa!” Napaisip si Filipo, “Parang alam ko na
‘to. ‘Yun ang game. Kaylangan kong iligtas ang Prinsesa para makaalis dito.”,
habang hinihimas ang baba. “Sige po. Tutulungan ko kayo.
Ililigtas ko ang Prinsesang Nakaupo sa Tasa!”. Tuwang-tuwa at nagpapalakpakan
ang lahat ng nilalang, meron pang sumisipol
ng “weet-weew” at may humihiyaw ng “Yeheeey!”.
Itinuro ng matanda kay Filipo ang daan papunta
sa kaharian ni Haring Horos, twenty-five minutes ang nabawas sa stopwatch.
Pagdating sa kaharian, isang Alarm Clock
na guwardiya ang humarang kay Filipo, “Makakapasok ka lamang kung mabibigyan mo
ko ng ginto.”. “Ginto? Sa’n ako kukuha ng ginto?”, gulat na tanong ni Filipo.
“tik-tak-tik-tak..”, sabi ng Alarm
Clock. Napaisip si Filipo, lumipas ang dalawang minuto, “Ginto. Alarm Clock..
Alam ko na! Time is Gold!”.
“Eto, bibigyan kita ng oras sa stopwatch
ko!”, alok ni Filipo. “Very good!”, nakangiti ang Alarm Clock sabay hawak sa
stopwatch ni Filipo. Nabawasan iyon ng tatlong minuto. Agad pinapasok si
Filipo. Tinignan niya ang stopwatch, thirty minutes na lang ang natitira.
Pagpasok sa palasyo agad siyang binati ni
Haring Horos na nakaupo sa trono katabi ang Prinsesang Nakaupo sa Tasa, “Haha!
Ang propesiya. You’re late, you’re late, for a very important…Nevermind,
nakalimutan ko. Anyway, kung gusto mong mailigtas ang Prinsesa kaylangan mong
malampasan ang tatlong pagsubok ko. Una, buoin mo ang
Jigsaw Puzzle Clock na ‘yan na nagsasabing ‘three-thirty-three’ in ten minutes
gamit ang paa. Hahaha!”.
Nine minutes lang ang lumipas buo agad ni
Filipo ang Jigsaw Puzzle. “Mahusay. Easy round lang ‘yan. Next. May tatlong
Sundial na wala sa oras. Kaylangan mong ayusin ang pwesto nila sa tamang oras
na Ala-sais, Alas-nuebe, at Alas-dose gamit ang ilaw na nandiyan. Sampung
minuto. GO!”
Medyo nahirapan si Filipo, naubos ang
sampung minuto bago naiayos ang tatlong Sundial. Eleven minutes ang natitirang
oras sa stopwatch. “Pinapahanga mo ko boy! Pero sigurado dito sa ikatlo hindi
ka na mananalo, hahaha! Eto ang tanong: ‘Kung
ang Pendulum Clock ay tumutunog kada twenty-three minutes, anong oras ulit ito
tutunog kung tumunog na ng Nine-twenty-three?’, but wait! Kaylangan mong
sagutin ‘yan sa pamamagitan nang pagtulak ng malaking kamay ng orasan na ‘yan
sa tamang oras. Muli, in ten minutes, GO! Haha!”.
Isang minuto din ang lumipas nang maisip
ni Filipo kung anong oras ulit tutunog ang Pendulum Clock. Inuna niyang itulak
ang Minute Hand, manipis ito kaya medyo magaan.
Makalipas ang tatlong minuto naitapat na niya ito sa tamang posisyon.
Agad naman niyang isinunod ang Hour Hand, mabigat ito dahil bukod sa mahaba na
makapal pa kaya hirap si Filipo at natatagalan, sinasabayan pa iyon nang
pangaasar ni Haring Horos.
Ayan konti na lang, maitatapat na ni
Filipo sa tamang posisyon ang Hour Hand. Ten..nine..eight.. Pawis na pawis si
Filipo. Three..two..one.. Sakto pagdating ng zero tumunog ang Pendulum Clock, “Dong-dong-dong!”.
Tagumpay si Filipo. “Hindeeeeee!”, sigaw
ni Haring Horos habang nagdadabog. Yumakap naman ang Prinsesang Nakaupo sa Tasa
kay Filipo.
Matapos magpasalamat ng Prinsesa at mga
nilalang roon kay Filipo, ibinalik agad siya ni Bangun Bangun sa kanyang
kwarto. Namalayan na lang niya na nakaupo siya sa harap ng kanyang computer na
parang walang nangyari.
Tumakbo si Filipo sa kanyang Mommy na
kasalukuyang naghahanda ng meryenda, niyakap niya ito nang mahigpit. Nagtaka
naman ang kanyang Mommy pero natutuwa. Simula nu’n hindi na nale-late sa school
si Filipo, sumusunod agad siya sa mga utos, at inuuna nang gawin ang mga
assignments bago maglaro ng computer games. Higit sa lahat hindi mo na
maririnig sa kanya ang mga salitang, “Mamaya na.”, “Maaga pa.”, at “Bukas na
lang.”.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento