Biyernes, Mayo 31, 2013

Episode 10: “Beer Into Blood”


Tilamsik sa Gabing Maligamgam (an Fb broken serye)

Ang Nakaraan…

Parang pinagsakluban ng langit at impyerno si Rogelio nang makita si Genoveva na may kasamang patok na guy na nakasuot ng bukas na polo, may white fit sando, at naka-brush up ang buhok sa kabilang table. Samantala abala si Jobert as a friend sa pagkastigo sa wicked heartless waiter na sa kaibigan ay naniningil.

Biglang tumayo si Rogelio.

“Uy bro sandali san ka pupunta? Maghunos dili ka!”, awat ni Jobert as a friend.

“Hindi ko na kaya ‘to bro, labis-labis na ang aking pagtitiis, ansakit-sakit na…”, malumanay subalit firm na statement ni Rogelio.

“Mapapahiya ka lang kapag ginawa mo ‘yan bro, wala kang karapatan sa kanya!”, nagaalalang payo ni Jobert as a friend sa kaibigan.

“Hindi. May karapatan ako, dahil mahal ko sya mahal na mahal! (at nagsimulang tumulo ang luha sa mga mata ni Rogelio) Kaylangan ko na syang kastiguhin…”, sabay sugod sa table ni Genoveva.

Wala nang nagawa si Jobert as a friend kundi sumigaw ng palakaibigan at mahabang pagpigil na “Brooooooooooooooooooooooooooooo”, with feelings.

Pagdating sa table nila Genoveva, bumanat agad antimano si Rogelio.

“Anong ibig sabihin nito?”

“May alak, may pulutan, may yosi, prayer meeting ‘to tol!”, maaskad na tugon ng guy.

“Wag mo ko pilosopohin ano ibig sabihin nito?!!”, nanggagalaiting bulyaw ni Rogelio habang hinihimas ni Jobert as a friend ang kanyang likuran.

“Gelo let me explain…”, pagsusumamo naman ni Genoveva.

“Sino ka ba ha? Ano bang pake mo kung nagiinuman kame?”, imbyernang sagot ng guy sabay tayo at poste kay Rogelio, harapan na para bang dinudutdot niya ito ng kanyang maskuladong dibdib.

“Ano din pake mo kung sino ko ha?!”, pabulyaw pa din  si Rogelio at patuloy lang sa paghimas ng kanyang likod si Jobert as a friend.

“Wala kong pake kung sino ka, ang tinatanong ko bakit ka nakikialam dito ha?!”, maaskad ule na tugon ng guy sabay bagsak ng kanyang shades sa table.

“Pare mahal ko ‘yang ka-table mo, na-love at first sight ako diyan kaya hindi mo pwede basta-basta ite-table ‘yan, ide-date at aayaing uminom gets mo ba ha?!”, proud na proud na sagot naman ni Rogelio habang hinihimas pa din ni Jobert as a friend ang kanyang likuran.

“Hahahaha! E gago pala ‘to e!”, tawa ng guy sabay sapak sa kausap. Subalit mabilis nakaiwas si Rogelio, bilang kaibigan si Jobert as a friend ang tinamaan na nasa likuran. Bulagta ito, basag ang nguso.

“Oh my gad, blood! Tama na guys, ayoko naaaah!”, tili at paghi-hysterical ni Genoveva nang makita ang duguan at sumisiritsirit pang dugo sa nguso ni Jobert. Nagtatakbo sya palabas ng bar. 

Napahinto lahat ng tao sa bar pati na din ang banda na kasalukuyang tinutugtog ang acoustic version ng Gentleman ni Psy. Nahahati ngayon ang isip at damdamin ni Rogelio kung sinong uunahin sa dalawa, kung hahabulin ba nya ang babaeng kanyang sinisinta o aasikasuhin ang kaibigang duguan ang mukha.

Gulong-gulo si Rogelio. Ang hirap magdisisyon. Ngunit biglang hinawakan ni Jobert as a friend ang kanyang kamay. Pilit nya itong inabot dahan-dahan habang nakahiga. Napatingin si Rogelio sa kaibigan, awang-awa.

“Chong. Ako na bahala dito, kaya ko ‘to. Sundan mo si Genoveva, importanteng makausap mo siya. Sige na dre, gow…Ah.!”, hinang-hina na sabi Jobert as a friend sa kanyang kaibigan habang sumisirit-sirit pa din ang dugo sa kanyang nguso.

“Hindi brad dadalhin kita sa ospital. Walang iwanan.”

“Sige na par puntahan mo na siya, kaya kong pumunta sa ospital…”, sabay suka ng dugo habang tumutulo ang uhog sa ilong at tumatagas ang luga sa tenga.

“Sigurado ka pards?”

“Oo bro, sige na gow!”

“Sige-sige, salamat dre! Tunay ka talagang kaibigan!”, sabay karipas ng takbo palabas si Rogelio.

“What are friends are for? Ah…”, sabay pikit ni Jobert as a friend. Tuluyan na siyang nawalan ng malay.

Sobrang na-touch naman ang lahat ng taong nakapaligid sa kanya, kaya hindi nila mapigilang magsabi sabay-sabay ng “Aaaaaay”, yung malumanay at may lambing sa dulo. Nag akapan pa nga ang iba, may mga nag-kiss, at meron din napaluha sa sobrang pagkaka-touch. Kaya agad itong sinamantala ng banda, bigla silang tumugtog ng isang tear jerker epic love song na King and Queen of Hearts by David Pomeranz in acoustic version.

Parang may biglaang JS naman na nagsipagsayawan sa gitna ang mga lovers, magkaakap, sweet na sweet. ‘Yung iba naglalaplapan pa habang si Jobert bulagta sa sahig at halos maligo sa sarili niyang dugo. Ganun katindi ang pagmamahal ni Jobert as friend sa kanyang friend. Bilang kaibigan gagawin at titiisin niya lahat para dito.

Samantala mabilis na nahabol ni Rogelio si Genoveva sa labas, agad niya itong hinawakan sa braso.

“Gen-gen sandali.”

“Gelo let me explain-“

Pero pinigilan siya ni Rogelio magsalita, tinakpan niya ng kanyang hinlalato ang lips ni Genoveva upang hindi makapagsalita.

“Hindi. Tama na. Wala kang dapat ipaliwanag mahal kita.”, sabay hawak ng dalawang kamay sa braso ni Genoveva papalapit sa kanya saka niya tinorrid kiss si Genoveva. Sa sobrang pagkabigla at gulat naman ni Genoveva sa ginawa ni Rogelio napanganga na lang ito sabay wagayway ng dila at ngasab sa wet na wet na labi ni Rogelio.

Dahan-dahan bumuhos ang ulan habang sila ay naglalaplapan sa gitna ng daan.

Kaylan matatapos ang halikan na ito? Matuyuan kaya sila ng laway miski na umuulan? Gaano katotoo na naapak-apakan na si Jobert as a friend ng mga nagsasayaw ng sweet sa loob ng dance floor? Hindi ba sila nadudulas sa tumagas na dugo ni Jobert as friend?

Subaybayan ang mga nagbabaga at walang masagot na katanungan sa natitirang dalawang last episode ng nagiisa at wala pa ding gustong gumaya o pumaris na brutal drama serye sa internet, ang Tilamsik sa Gabing Maligamgam.

Para sa ating Question of the Day Promo:

“Mga ilang minuto kaya tumagal ang laplapan nila Rogelio at Genoveva?"

Pangalawa.

“Ano kaya ang type ng dugo ni Jobert as a friend at gaano karami ang nabawas sa kanya?"



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento