Martes, Mayo 21, 2013

Si Nico at ang Nawawalang Libreng Kuryente



Sa hindi kalayuang taon at panahon, may isang madilim na komunidad ng mga robots. Madilim dahil natatakpan nang makapal na itim na ulap ang sinag ng Araw at Buwan doon gawa ng usok, alikabok at polusyon. Higit sa lahat madilim dahil madalang silang magkakuryente.

      Sumobra kasi ang gamit at naabuso ang kuryente. Uminit nang husto ang mundo, nasira ang Ozone Layer resulta Global Warming. Lumindol. Bumaha. Nasira ang mga Power Plants na nagsu-supply ng kuryente sa mga tahanan.

      At para magkakuryente kaylangan magbayad ng ginto at pumila ang mga robots sa nagiisang Power Plant doon na pagaari ni Mr. Al Morce upang makargahan ang kani-kanilang bateryang pantahanan.

      Nagtatrabaho ang mga robots sa isang minahan ng langis na pagaari din Mr. Al Morce.

      Kontrolado ni Mr. Al Morce ang mga robots, siya ang tumatayong pinuno sa komunidad. Sunud-sunuran sa kanya lahat dahil mahalaga sa kanila ang kuryente at marami silang pakinabang dito. Kapag sumuway ang sino man sa gusto niya walang supply ng kuryente kahit may pambayad pa.

      Isang araw habang nakapila ang mga robots sa Power Plant ni Mr. Al Morce, Nagmamadali si Nico at halos mabangga ang mga nakapila para mauna. “Excuse po! Paraan po!”, sigaw niya. 

      Mahilig sa misteryo at pagtuklas si Nico. Pangarap niyang maging imbentor balang araw, at kung karamihan takot sa kidlat siya manghang-mangha rito. Natutuwa kasi siya sa sandaling liwanag na dulot nito kapag gumuguhit sa kaulapan.

      Nang makalapit si Nico kay Mr. Al Morce, “Sir kaylangan ko po ng kuryente para sa Lolo ko, nalo-lowbat na po siya..”.  “May ginto ka ba?”, tanong ni Mr. Al Morce. “Wala po pero meron akong-“, hindi pa tapos magsalita si Nico sumingit agad ang kausap, “Makakaalis ka na, sinasayang mo oras ko! Alis!”, pabulyaw nitong sabi sabay hagis sa bateryang dala-dala ni Nico.

     Malungkot na umuwi si Nico.

      “Hayaan mo ‘lo gagawa ako ng paraan. Hahanap ako ng kuryente!”, nakangiting sabi ni Nico habang hawak ang kamay ng Lolo. “Salamat apo. Salamat..”, inuubong sagot nito kahit hindi alam kung paano iyon gagawin ng apo.

      Kinabukasan habang nagiisip kung saan siya makakakuha ng kuryente, napukaw ng mga kakaibang sulat sa punong Acacia ang kanyang atensyon. Binubuo ito ng mga numero, letra at mga simbolo na karamihan ay doon lang niya nakita.

      Sinundan niya ang mga sulat hanggang sa makarating sa isang lumang bahay. Pagpasok niya isa pala itong maliit na laboratoryo na napakagulo.

      Nagusisa siya. “Huwag mong hahawakan ‘yan!”, pagbabawal ng isang lalaking medyo may katandaan at magulo ang buhok.

      “Sino ka? Anong ginagawa mo dito?”, tanong ng lalaki. “Ako po si Nico, sinundan ko po ‘yung mga sulat. Para saan po ba ‘yang mga ‘yan?”, usisa niya. “Pormula ‘yan para gawing ginto ang metal!”, deretsong tugon ng lalaki.

      “Wow isa po kayong alchemist!”, galak na pagkakasabi ni Nico. “Tumpak! Tawagin mo na lang akong NF.”, nag-shake hands sila. “Edi andami n’yo pong pambili ng kuryente?”, tuwang tanong ni Nico. “Hahaha! Hindi para sa ganun ang alchemy Nico.”, natatawang sagot ni NF. Lumungkot si Nico, “Kaylangang-kaylangan kasi ng Lolo ko ang kuryente..”.

      “Hindi n’yo po ba kayang magimbento ng kuryente?”, puno ng pagasang tanong ni Nico. “Iho hindi iniimbento ang kuryente at hindi ito nauubos. Nasa paligid lang natin ito.”, paliwanag ni NF.

      “E bakit po may presyo at napakamahal nito?”,  takang tanong ni Nico. “Kasi may nagsamantala at ginawang negosyo!”, mabilis na sagot ni NF. “Wala po ba talagang libreng kuryente?”, tanong ulit ni Nico. “Kung gusto mo ng libreng kuryente, hulihin mo ang kidlat!”, seryosong payo ni NF.

      Nang gabing iyon, saktong umuulan. Nakatanaw si Nico sa bintana habang pinagmamasdan ang mga kidlat, nagiisip kung pano niya mahuhuli ito.

      “Tandaan mo isang beses lang tumatama sa isang bagay ang kidlat, hindi na ito mauulit pa.”, naalala niyang bilin ni NF.

      Matalim at marahas ang mga kidlat subalit lakas loob na lumabas ng bahay si Nico upang puntahan ang kidlat na tumama sa punong Acacia kung saan din niya nakita ang kakaibang mga sulat. Habang naglalakad kumidlat na naman sa may ‘di kalayuan at tinamaan ang malaking bato. Nagulat si Nico nang biglang tumama ang kidlat sa kanyang harapan at isang maliwanag na nilalang ang naroon.

      “Huwag kang matakot. Ako si Lucio. Nakita ko ang kabutihang loob mo at pagpupursige na matulangan ang iyong Lolo. Eto tanggapin mo, ipamahagi mo din ang kaalaman na ito sa iba. Pakiusap ko lang gamitin n’yo ito nang tama at ‘wag abusuhin.”, ume-echo ang boses ni Lucio. Inabot niya kay Nico ang isang lumang folder na may lamang mga papel-papel.

      Gulat si Nico at hindi na nakapagsalita. Mabilis namang nawala ang nilalang.

      Pumasok sa bahay si Nico at agad sinuri ang lumang folder. Hindi niya ito maintindihan kaya naisipang ipabasa kay NF.

      “Ito ang nawawalang blue-print ng Tesla Generator ni Nikola Tesla!”, gulat na gulat na sabi ni NF. “Sino po si Nikola Tesla?”, tanong naman ni Nico. “Siya ang tunay na Father of Electricity, ang henyong dumiskubre sa kuryente para pakinabangan ng libre!”, magiliw na tugon ni NF. “Talaga po libre?”, masayang tanong ni Nico.

      “Oo! Misteryo itong nawala noon. Saan mo ba ‘to nakuha?”, pagtataka ni NF. “Binigay po ni Lucio isang taong kidlat.”, nakangiting sagot ni Nico. “Ha? Taong kidlat?”, hindi makapaniwala si NF. “Huwag n’yo na pong alamin, ang importante alam n’yo po bang gawin ‘yang Tesla Generator?”, masayang tanong ulit ni Nico. “Susubukan ko.”, sagot ni NF.

     Pagkatapos basahin ni NF ang blue-print, agad niyang sinimulan ang pagbuo sa Tesla Generator katulong si Nico. Halos hindi na kumain ang dalawa sa sobrang pagkaabala.

      Bandang hapon nang sila ay matapos. Tagumpay, nabuo nila ang Tesla Generator. Masayang-masaya ang dalawa.

      Tulad ng bilin ng taong kidlat na si Lucio, gumawa ng maraming kopya ng blue-print ni Nikola Tesla si Nico upang ipamahagi sa mga kapitbahay. Si NF naman ang nagturo sa mga robots kung paano buoin ang Tesla Generator.

     Lumakas na muli ang Lolo ni Nico. Maliwanag na muli ang kanilang komunidad dahil sa libreng kuryenteng hatid ng Tesla Generator. Bumagsak ang negosyo ni Mr. Al Morce at hindi na sila kontrolado nito.

      Masaya at masigla na ulit ang mga robots. Natutuhan na nilang pahalagahan ang likas na yamang bigay ng mundo. Natuto na silang gamitin ito ng wasto, balanse at hindi abusado.
     

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento