Ipinapakita ang mga post na may etiketa na short story. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na short story. Ipakita ang lahat ng mga post

Miyerkules, Setyembre 16, 2015

Feedback Loop [short story]










“FEEDBACK LOOP”
[short story] by Gen Thalz

Aux Send Line/In
4 Tape Cue EQ
3.5mm mono LPF 95%

*Alaala

“Hon, honey! Nakikinig ka ba? Kanina pa ko nagkukwento di ka man lang kumikibo.”, sita ng misis sa kanyang mister na nagmamaneho sa highway. “Ha? Eh, sori. Parang nangyari na ‘to?”, nagulat at nagtatakang tugon ng mister. “Talagang nangyari na ‘to dahil araw-araw tayo dumadaan dito! Pinagsasabi mo…”, imbyernang sagot ni misis. “Hindi pramis.”, sagot ulit ni mister, di na kumibo ang babae tumanaw na lang sa daan at sandali silang nanahimik.

Maya-maya. “Hon, ano ba nangyayari sayo? Kanina pa kita pinagmamasdan parang di ka mapakali, wala ka sa sarili baka mabangga tayo niyan. Gusto mo ako na magmaneho?”, usisa ni misis. “Ha? Hindi, ano. Parang bigla lang sumama pakiramdam ko, para kong lalagnatin”, paliwanag ni mister sabay himas sa batok. Nagalala naman bigla si misis at agad nitong hinipo ang noo at leeg ng mister kung mainit ba, “Wala ka naman lagnat, ano gusto mo hon? Tubig?”. “Ok lang ako hon, don’t worry. Parang may naalala lang ako na di ko alam kung ano…”, “Ha?”, “Pakiramdam ko may dapat akong gawin at baguhin pero di ko maisip kung ano ba yun, alam mo yung ganung pakiramdam?”.

Lalung nagalala ang misis, “May problema ba hon? Sabihin mo sakin, sa work ba? Baka stress ka… May nagawa ba ko? Anong gusto mong gawin ko hon?”, malambing na pagtatanong nito. “Hindi hon wala, bigla ko lang naramdaman ngayon ‘to. Siguro dahil ‘to sa panaginip ko kagabi na may tinutuklas daw ako kasi gusto ko daw mabago sitwasyon ko doon sa panaginip, tapos ang lungkot-lungkot ng pakiramdam…”, salaysay ng mister. “Bakit hon ano daw yung sitwasyon mo?”, “Hindi daw maayos eh, magulo.”, “Eh ano naman daw yung tinutuklas mo?”. Bago makasagot ang mister ay hui na ang lahat, hindi na niya nagawang makakabig pakaliwa at tuluyan silang bumangga sa trak na nasa harapan nila, hindi kumagat ang preno. Napasigaw na lang ang misis, “HOOOOOOOON!!!”


*Panaginip

Saktong 3:30 ng hapon, uwian na. Agad na nagsitayuan ang mga estudyante nang marinig ang “Class dismiss” sa kanilang maestra. “Ano Ter sama ka ba?”, “Kayo na lang tol, next time na lang ako…”, matamlay na sagot nito. “Sige tol, ‘kaw bahala… Oy, tara na! Intay!”.

Hapong-hapo na naglakad pauwi magisa ang trese anyos na si Dexter. Mabigat na may halong lumbay ang kanyang pakiramdam na hindi naman niya maintindihan kung bakit. Tahimik siyang naglalakad, nakayuko, deretso, walang lingon-lingon hangang sa makabanga ang isang mama. “Sori po.”, malumay niyang pasintabi habang nakayuko pa din at tutuloy sa paglakad nang bigla siyang hinawakan ng mama sa balikat. Nagkatinginan sila, bahagyang nagulat si Dexter na parang kinikilala ang mama. Ngumiti ang mama at nagsabi, “Mangarap ka, habang maaga pa isipin mo na kung ano ang gusto mo.”, saka ito umalis. Sandaling natulala si Dexter, nawirduhan, “Pamilyar sakin ang mga matang iyon, saan ko ba siya nakita?!”.

“Sabi ko na e! Hindi ako maaaring magkamali! Siya nga ‘yung mamang lagi kong napapanaginipan na umiiyak!", bulong niya sa sarili. "Mama hintay!”, hinabol ni Dexter ang mama subalit bigla naman itong nawala nang di niya naapuhap kung saan ito dumaan o nagpunta.


*Ang Nakaraan…

“Out of Body, Try Number 23. This time magagawa ko na ‘to, hindi pwedeng hindi! Focus. Focus. Focus… ”, bubulong-bulong na kinukumbinsi ng lalaki ang sarili habang inaayos ang manipis na kutson sa sahig. Matapos nun, pinatay niya ang ilaw at sinindihan isa-isa ang siyam na kandila at ilang pirasong insenso. Bahagyang nagliwanag sa silid at unti-unting nangamoy bulaklak ang paligid.

Isang malamyos, banayad, at atmospheric na musika ang tumugtog nang magsalang ng plaka sa kanyang 2nd hand vinyl record player ang lalaki. Lumagok siya sa isang basong tubig, humiga at saka pumikit. Pinapakiramdaman ang paghinga na para bang may ritmo itong sinusundan hanggang sa siya ay makaramdam ng kakaibang vibration mula sa kanyang balakang.
6.     
6.          6. Sa isang tahimik na lugar humiga, ituon ang atensyon sa pag inhale-exhale.
7.       7. I-visualize mabuti ang taon at kung saan.
8.       8. Concentrate, ‘wag matakot.

Sa makailang beses na niyang sinusubukan ito, ay gamay na niya ang mga dapat gawin sa 17 out of body guidelines na kanyang sinulat at idinikit sa pader upang hindi niya ito malimutan.



Biyernes, Enero 9, 2015

LABABO [short story]




"Lababo"
[a short story] by Gen Thalz

Liquid detergent soap.
2 tasang mainit na tubig
Wanted Tubero/02-3656760
Boy Kuko

10am. Lunes. Tulad nang kinagawian, eksakto-impunto sa oras kung buksan ng mga gwardiya ang mga pintuan ng isang mall sa Quezon City. Madami agad tao, nagaabang, nagmamadaling makapasok. Kaya naman pagbukas ng pintuan mistulang mga nakawala sa hawla ang mga mamimili sa pagmamadali na para bang last day na ng mall. Ambibilis maglakad lalu na yung isang babae na naka-sleeveless, "pek-pek" short, at high-heels na mga 3 inches ang taas. May dala syang paper bag at patungo sa palikuran.

Pagdating sa banyo agad sya dumeretso sa isang cubicle, binuksan ang pintuan at biglang napatili, "Aaaaaaaaaaaaaaaaah!". Umalingawngaw ang tili, naalarma ang mga gwardiya. Pinuntahan agad ang nasabing cr at dito nila nasalubong ang babae na humahangos, "May lalake...may lalake...!", hinihingal nitong sabi. "Anong lalake? Kabubukas lang ng mall.", "Meron! Andun sa female, sa cubicle!". Pinasok ng dalawa sa gwardiyang rumispunde ang cr. Dito nila nakita ang isang lalake, naka-sando, pantalon, ngunit walang sapin sa paa ang hindi magkamayaw kung panong tatakas.

"Hoy! Tigil!", sigaw ng isang gwardiya habang nakatutok ang baril. Huminto naman agad ang lalake at nagtaas ng kamay, "Wala kong kasalanan... Nagaayos lang ako ng lababo, hindi ko alam bat ako napunta dito.. Asan ako?!.", pagsusumamo nito. Agad siyang dinakma at binitbit palabas ng dalawang gwardiya, "Anong hindi mo alam, sa opisina ka namin magpaliwanag! Ang aga-aga nang gugulo ka dito!", yamot na sabi ng isang gwardiya.

Dinala ang lalake sa isang silid ng security office kung saan ini-interrogate ang mga nahuhuling shoplifters, nawawalang bata at iba pang violators ng mall. Medyo mainit sa loob, walang bintana at tanging ceiling fan lang ang nagsisilbing hangin doon. Pagpasok ng chief security sa silid, "Bakit ka nasa cr ng mga babae? Mamboboso ka no? Ang aga-aga, may dala ka pang flashlight ha, at anong gagawin mo dito sa liyabe ha?!", "Sir wala kong kasalanan papaliwanag ko po 'yan, wala ho kong ginagawa, nagaayos lang ako ng-", "Lahat naman sinasabi 'yan...", snob na sagot ng pulis habang nagbubuklat ng notebook gamit ang daliring nilawayan.

"Ganto po kasi 'yun sir, aayusin ko sana 'yung baradong lababo namin sa bahay. Nung binuksan ko yung pinto sa baba mismo ng lababo kung nasan ang tubo, nagtaka ko bakit parang anlayo nito. Kaya kumuha muna ko ng flashlight (sabay tingin sa flashlight na nasa mesa). Gumapang ako paloob para abutin ang tubo kaso nagtataka ko bat parang hindi ko maabot, palayo nang palayo...", "Tapos ano? Bigla ka nahulog sa kawalan at namalayan mo na lang nandun ka na sa cr?", singit ng chief security na bugnot sa salaysay ng lalake. "Ganun nga ho! Pano nyo nalaman sir?", gulat na sabi ng lalake. Suminghal ang chief security, "Lakas ng tama mo boy, ano ba tinira mo?", "Sir maniwala kayo, nagsasabi ko ng totoo! Hindi ko talaga alam bat ako nandito! Hindi ko nga alam anong lugar 'to, kung nasan ako?! Please naman sir...". Hindi nakikinig si chief tuloy lang ito sa pagsulat sa notebook, "Pati binigay mong ID kagaguhan e...", "Sir lisensya ko talaga 'yun... Please sir maniwala kayo...", "Pangalan mo ulet?", "Felisto po (tinignan sya pailalim ni chief). Felisto Swaklantora ho.". Napakunot ang noo ng chief security, "Anong klaseng pangalan 'yan? Sulat mo.". Yamot nitong sabi sabay abot ng notebook at ballpen sa lalake.

Matapos maisulat ng lalake ang kanyang pangalan, tumayo si chief. "Sandali nga, 'wag kang aalis dyan. Tse-tsekin ko lang 'yung pina-research ko.". Naghimas lang ng mukha ang lalake gamit ang dalawang palad pataas sa buhok sabay yuko habang nakadiin ang dalawang kamay sa ulo at pilit iniisip kung nasan sya at panong napunta sya sa lugar na 'yun. Ibinilin naman ni chief sa gwardiyang nakaupo sa labas ng pintuan ng silid na bantayan ang lalake.

"Balita?", "Sir walang record sa kahit saan ang lalake, maski ang ahensyang nag-issue ng lisensya nya wala din.", "Sinasabi ko na nga ba...", "Pero sir may nabasa ko sa net tungkol sa Biringan City na nasa address nung lalake.", "Ano isa daw itong lugar tambayan ng mga batang sabog?", "Hindi sir, kwentong kababalaghan (nagsalubong lang ng kilay si chief). Invisible city raw ito sa may bandang Samar. Parang lugar ng mga engkanto ba na 'di sinasadyang napupuntahan ng mga taga--dun. 'Di ko alam kung totoo sir pero natalakay din pala 'to sa Mel & Joey noon, panoorin nyo to...", salaysay ng gwardiyang naatasang mag-research ni chief. Natatawa si chief pero seryoso pa din nyang pinanood ang sinasabing video sa youtube.

"Kalokohan 'yan! Ginagago lang tayo ng ungas na 'yun!", inis na sabi ni chief habang pabalik sa silid na ilang hakbang lang ang layo mula sa computer desk bitbit ang lisensya ng lalake. "Ok. Tama na ang lok-", napahinto ang chief dahil wala dun ang lalake. Agad sinita ang bantay, "Asan 'yung lalake?!", "Sir andyan po, wala pong lumalabas dito kanina pa...", "PUNYETA! WALA NGA!!!". Nagkagulo ang mga sekyu na naroon sa security office dahil sa bulyaw na 'yun ni chief. Lahat sila walang nakita o hindi nakitang lumabas sa silid ang lalake at maliit lang ang office para hindi nila mapansin 'yun kaya naman lahat ay nagtataka. Pina-check ng chief sa cctv monitors, wala din. Ginalugad nila ang buong opisina kung may posibleng malulusutan, wala din. Tanging liyabe at flashlight lang ang naiwang bakas roon ng lalake pati na din ang lisensya nito na hawak ni chief.

~ END ~

Biyernes, Enero 2, 2015

AKSIDENTE [a short story] by Gen Thalz




Quartz
Lug End Sweep Slip
14.3553 N, 120.5843 E
Black Strap Leather (left)

Disclaimer: kung may kaparehong pangalan ang mga tauhan sa kwentong ito sa totoong buhay ay sadyang nagkataon lamang...

"AKSIDENTE"
[a short story] by Gen Thalz

Escolta, 1992. Dakong alas-onse y medya ng tanghali nang biglang magkagulo ang mga tao sa nasabing kalye dahil sa isang aksidente. Dali-daling tumakbo ang mga nakasaksi papunta sa pinangyarihan upang tulungan ang naaksidente. "Tumawag agad kayo ng ospital!", sigaw ng ilan. "Meron bang may alam dito sa first-aid?!", pasigaw din na sabi ng lalaking pinupulsuhan ang biktima. "Teka tatawag ako ng pulis!", sabi naman ng isang ale.

Ilang minuto din ang lumipas bago dumating ang rescue team ng Binondo Hospital at ilang kapulisan. Subalit huli na ang lahat. Dead on the spot ang lalaking biktima na kinilala sa pangalang Aries Dale Dimayuga. Clean cut ang buhok, may kapayatan, medyo maputi, at tinatayang nasa 5'4 hanggang 5'6 ang taas. Naka-rubber shoes kulay red, off-white skinny jeans, at black t-shirt na may print ng logo ni Flash Gordon. "Pare ayos ka lang ba?", bati ng kasamahan ni SPO1 Santos sa kanya habang siya'y nakatitig na nagtataka sa student ID ng bata.

Alas-dos kinse. Naalimpungatan sa mahimbing na pagsi-syesta si Aling Baby dahil sa katok sa pintuan. Agad naman syang bumangon, sinuot ang Nora na sinelas, at pinatay ang nakatulugang noontime show. "Sandali lang eto na...", sabay bukas ng pinto. Bahagyang nagulat si Aling Baby nang makita ang dalawang pulis. "Magandang hapon po, dito po ba nakatira si Aries Dale Dimayuga?", "Sino ho? Aries...?", "Aries Dale Dimayuga po madam.", "Ay hindi ho, di ko po kilala 'yan. Ano po bang address?", inabot ng kasama ni SPO1 Santos kay Aling Baby ang isang papel. "Tama naman po ang address at apelyido pero wala po kong kilala na Aries Dale...", "E si Mr. Bernard Dimuyaga po madam?", "Opo sir dito nakatira, anak ko po 'yan, bakit ho anong nagawa ng anak ko?!", ninerbyos bigla si Aling Baby. "Andyan po ba sya? Maaari po ba naming makausap?", Tanong ng kasama ni SPO1 Santos. "Nasa Binondo Hospital sila ngayon, sinugod kaninang umaga ang asawa.", mabilis na tugon ni Aling Baby, nagkatinginan naman ang dalawang pulis na para bang may kung anong suspetsa ang naisip. "Sir ano po ba problema? May kasalanan po ba ang anak ko?", tensyonado na si Aling Baby. "Huminahon ho kayo ma'am, walang nilabag na kahit anong batas ang anak nyo, may ilang tanong lang kaming gustong linawin sa kanya. Relax lang po kayo dyan, una na ho kame at kaylangan namin syang makausap agad.", kalmado at magalang na sabi ni SPO1 Santos. "Sige ho...", na lang ang nasambit ni Aling Baby na labis na nagaalala habang tinitignan papalayo ang dalawang pulis.

Magbabandang alas-tres kwarenta ng hapon nang makarating sa Binondo Hospital ang dalawang pulis, pinagtanong agad nila ang hinahanap at mabilis naman nila itong natunton. "Mr. Bernard Dimayuga?", tanong ng kasama ni SPO1 Santos. Alistong napalingon ang lalaki na noo'y nakasilip sa glass window ng isang kwarto sa pagaakalang doktor ang tumawag sa kanya, kaya naman nagtaka siya nang makita ang dalawang pulis. "Ako nga ho, bakit po sir? Ano pong problema?", malumanay subalit malungkot na may halong takang sagot ni Bernard. "Tatanong lang namin kung ikaw ang ama ni -", "Anong ama?! Ano 'to joke?! Wala pa kong anak! Ayan nga ho hindi nyo ba nakikita nakunan ang misis ko first baby namin!", alsa-boses na pagsingit ni Bernard sa tanong ni SPO1 Santos nang mabanggit nito ang pagiging ama. Nagkatinginan naman ang dalawang pulis na para bang naguguluhan na. "Teka sir cool lang tayo, kaya ka nga namin tinatanong e para maliwanagan, ngayon sori tungkol sa nangyari sa baby nyo pero kaylangan kong malaman sayo kung kilala mo ba si Aries Dale Dimayuga?", biglang napatingin naman ng deretso si Bernard sa mata ni SPO1 Santos matapos nitong magpaliwanag. Nagisip sandali si Bernard na ngayo'y humupa na ang inis, marahan siyang sumagot ng "Pasensya na hindi ko kilala, wala kong kilalang ganyan.". "Sigurado ka sir?", sundot na tanong ng kasama ni SPO1 Santos, umiling lang si Bernard.

"Okay. Sige ganto na lang para matapos na, maynangyari kasing aksidente kanina sa may Escolta, patay ang biktima nasa morge sya ngayon dito din mismo sa ospital na 'to, Aries Dale Dimayuga ang pangalan", nagulat si Bernard sa nasabing balita. "Ngayon gusto namin ipakita sayo ang bangkay baka sakaling makilala mo dahil ikaw ang nakasulat na ama sa ID nya, kung ok lang sayo?", lalung nagulat si Bernard, hindi sya sumagot, mga ilang sandali din syang nagisip.

"Jane ikaw na muna bahala dito bantayan mo ate mo tumawag ka agad ng nurse kung ano man ha?", bilin ni Bernard sa nakababatang kapatid. "Opo kuya, ano pong nangyayari? San kayo pupunta?", "Wag ka magalala Jane, wala 'to ok lang ako basta bantayan mo ate mo ha pag nagising sya at hinanap ako sabihin mo may pinuntahan lang saglit.", "Opo kuya.".

Sa morge. "Sigurado ka hindi mo talaga kilala?", mahinahon na tanong ni SPO1 Santos kay Bernard na ngayo'y medyo balisa na matapos nitong makita ang bangkay at sabihing hindi nga nya kilala. "Hawig kayo ng mata o...baka anak mo sa labas di kaya?", singit naman ng kasama ni SPO1 Santos habang inilalapag ang ilang items sa mesa. Tahimik lang si Bernard parang di mapakali. "Tignan mo 'tong sapatos na suot nya, may ideya ka ba kung saan nakakabili nito? Kakaiba, ngayon lang ako nakakita ng ganyang design ng Adidas", may halong manghang sabi ni SPO1 Santos habang si Bernard tahimik na sinusuri ang sapatos at binasa sa isip ang tatak, "Adidas...Rose.". "Eto mas magtataka ka dito kung ano at para saan 'to, nakuha namin 'yan sa bulsa nya.", nakangiti at medyo natatawang sabi ni SPO1 Santos habang inaabot ke Bernard ang isang tim na bagay na hugis bilo-haba, medyo manipis, may apat na pindutan sa baba at malaking screen na kapag hinipo umiilaw. "Blackberry", bulong ni Bernard sa sarili matapos mabasa ang tatak. "Pakiwari namin telepono 'yan dahil sa mga simbolo sa pindutan, ang tanong saan galing 'yan? Dahil sa pagkakaalam namin wala pang ganyang technology sa ngayon, touchscreen? Wala pa kong nakikitang ganyang telepono. Hindi namin makita ang loob may password ata, papasuri pa namin 'yan sa computer expert. Wala ka ba talagang ideya Mr. Bernard?", sabi ni SPO1 Santos, tahimik lang si Bernard na ngayo'y nakatingin na sa bangkay.

"Eto pa nagtataka din kame dito sa laman ng wallet nya.", dito na nagulat ng husto si Bernard, "Ano 'to, bakit ganto itsura ng isang daan at singkwenta?! Saka itong mga five hundred bakit magkasama na si Ninoy at Cori?!", "Yan din ang tanong namin. Mahirap paniwalaan pero kung iisipin mo para syang galing sa future!", sabi ng kasama ni SPO1 Santos sabay abot ng student ID ng bata ke Bernard. Hindi na sya nagulat nang mabasa kung sino ang nakasulat sa In Case of Emergency Please Notify dahil ang labis na pumukaw ng atensyon nya ay ang school year nito.

"2011 to 2012. Diyan kame mismo naguguluhan. Pinakita na namin 'yan sa school kung saan sya nagaaral, malayo sa issue ng student ID nila ngayon at wala silang record ng pangalan nya... Ngayon tinatanggi mong anak mo sya, kung peke 'tong ID na 'to anong ibig sabihin ng lahat ng 'to Mr. Bernard? Bakit ikaw ang nakasulat na ama nya? 'Yung pera, 'yung gadget?!", "Kaya...kaya siguro...Hindi. HINDI! Hindi maaari!", nalilito at hindi makapaniwalang sabi sa sarili ni Bernard. "Ano 'yun Mr.Bernard? May sinasabi ka?", "Aries Dale.", sagot ni Bernard habang nagaantay ang dalawang pulis sa karugtong ng kanyang sasabihin. "Nung binanggit nyo palang kanina sa taas ang pangalang Aries Dale nagtaka na ko...dahil 'yun ang napagkasunduan namin ng misis ko na ipangalan sana sa panganay namin...". Hindi din makapaniwala si SPO1 Santos, "Ibig sabihin... Kung susumahin... 19... Anong oras nakunan ang misis mo?", "Siguro mga bandang alas-onse y medya 'yun? Bakit? 'Wag nyo sabihing-", "Sakto sa oras nung nangyari din ang aksidente...", payak at malumanay na tugon ng kasama ni SPO1 Santos.

~ End ~

Martes, Mayo 21, 2013

Si Nico at ang Nawawalang Libreng Kuryente



Sa hindi kalayuang taon at panahon, may isang madilim na komunidad ng mga robots. Madilim dahil natatakpan nang makapal na itim na ulap ang sinag ng Araw at Buwan doon gawa ng usok, alikabok at polusyon. Higit sa lahat madilim dahil madalang silang magkakuryente.

      Sumobra kasi ang gamit at naabuso ang kuryente. Uminit nang husto ang mundo, nasira ang Ozone Layer resulta Global Warming. Lumindol. Bumaha. Nasira ang mga Power Plants na nagsu-supply ng kuryente sa mga tahanan.

      At para magkakuryente kaylangan magbayad ng ginto at pumila ang mga robots sa nagiisang Power Plant doon na pagaari ni Mr. Al Morce upang makargahan ang kani-kanilang bateryang pantahanan.

      Nagtatrabaho ang mga robots sa isang minahan ng langis na pagaari din Mr. Al Morce.

      Kontrolado ni Mr. Al Morce ang mga robots, siya ang tumatayong pinuno sa komunidad. Sunud-sunuran sa kanya lahat dahil mahalaga sa kanila ang kuryente at marami silang pakinabang dito. Kapag sumuway ang sino man sa gusto niya walang supply ng kuryente kahit may pambayad pa.

      Isang araw habang nakapila ang mga robots sa Power Plant ni Mr. Al Morce, Nagmamadali si Nico at halos mabangga ang mga nakapila para mauna. “Excuse po! Paraan po!”, sigaw niya. 

      Mahilig sa misteryo at pagtuklas si Nico. Pangarap niyang maging imbentor balang araw, at kung karamihan takot sa kidlat siya manghang-mangha rito. Natutuwa kasi siya sa sandaling liwanag na dulot nito kapag gumuguhit sa kaulapan.

      Nang makalapit si Nico kay Mr. Al Morce, “Sir kaylangan ko po ng kuryente para sa Lolo ko, nalo-lowbat na po siya..”.  “May ginto ka ba?”, tanong ni Mr. Al Morce. “Wala po pero meron akong-“, hindi pa tapos magsalita si Nico sumingit agad ang kausap, “Makakaalis ka na, sinasayang mo oras ko! Alis!”, pabulyaw nitong sabi sabay hagis sa bateryang dala-dala ni Nico.

     Malungkot na umuwi si Nico.

      “Hayaan mo ‘lo gagawa ako ng paraan. Hahanap ako ng kuryente!”, nakangiting sabi ni Nico habang hawak ang kamay ng Lolo. “Salamat apo. Salamat..”, inuubong sagot nito kahit hindi alam kung paano iyon gagawin ng apo.

      Kinabukasan habang nagiisip kung saan siya makakakuha ng kuryente, napukaw ng mga kakaibang sulat sa punong Acacia ang kanyang atensyon. Binubuo ito ng mga numero, letra at mga simbolo na karamihan ay doon lang niya nakita.

      Sinundan niya ang mga sulat hanggang sa makarating sa isang lumang bahay. Pagpasok niya isa pala itong maliit na laboratoryo na napakagulo.

      Nagusisa siya. “Huwag mong hahawakan ‘yan!”, pagbabawal ng isang lalaking medyo may katandaan at magulo ang buhok.

      “Sino ka? Anong ginagawa mo dito?”, tanong ng lalaki. “Ako po si Nico, sinundan ko po ‘yung mga sulat. Para saan po ba ‘yang mga ‘yan?”, usisa niya. “Pormula ‘yan para gawing ginto ang metal!”, deretsong tugon ng lalaki.

      “Wow isa po kayong alchemist!”, galak na pagkakasabi ni Nico. “Tumpak! Tawagin mo na lang akong NF.”, nag-shake hands sila. “Edi andami n’yo pong pambili ng kuryente?”, tuwang tanong ni Nico. “Hahaha! Hindi para sa ganun ang alchemy Nico.”, natatawang sagot ni NF. Lumungkot si Nico, “Kaylangang-kaylangan kasi ng Lolo ko ang kuryente..”.

      “Hindi n’yo po ba kayang magimbento ng kuryente?”, puno ng pagasang tanong ni Nico. “Iho hindi iniimbento ang kuryente at hindi ito nauubos. Nasa paligid lang natin ito.”, paliwanag ni NF.

      “E bakit po may presyo at napakamahal nito?”,  takang tanong ni Nico. “Kasi may nagsamantala at ginawang negosyo!”, mabilis na sagot ni NF. “Wala po ba talagang libreng kuryente?”, tanong ulit ni Nico. “Kung gusto mo ng libreng kuryente, hulihin mo ang kidlat!”, seryosong payo ni NF.

      Nang gabing iyon, saktong umuulan. Nakatanaw si Nico sa bintana habang pinagmamasdan ang mga kidlat, nagiisip kung pano niya mahuhuli ito.

      “Tandaan mo isang beses lang tumatama sa isang bagay ang kidlat, hindi na ito mauulit pa.”, naalala niyang bilin ni NF.

      Matalim at marahas ang mga kidlat subalit lakas loob na lumabas ng bahay si Nico upang puntahan ang kidlat na tumama sa punong Acacia kung saan din niya nakita ang kakaibang mga sulat. Habang naglalakad kumidlat na naman sa may ‘di kalayuan at tinamaan ang malaking bato. Nagulat si Nico nang biglang tumama ang kidlat sa kanyang harapan at isang maliwanag na nilalang ang naroon.

      “Huwag kang matakot. Ako si Lucio. Nakita ko ang kabutihang loob mo at pagpupursige na matulangan ang iyong Lolo. Eto tanggapin mo, ipamahagi mo din ang kaalaman na ito sa iba. Pakiusap ko lang gamitin n’yo ito nang tama at ‘wag abusuhin.”, ume-echo ang boses ni Lucio. Inabot niya kay Nico ang isang lumang folder na may lamang mga papel-papel.

      Gulat si Nico at hindi na nakapagsalita. Mabilis namang nawala ang nilalang.

      Pumasok sa bahay si Nico at agad sinuri ang lumang folder. Hindi niya ito maintindihan kaya naisipang ipabasa kay NF.

      “Ito ang nawawalang blue-print ng Tesla Generator ni Nikola Tesla!”, gulat na gulat na sabi ni NF. “Sino po si Nikola Tesla?”, tanong naman ni Nico. “Siya ang tunay na Father of Electricity, ang henyong dumiskubre sa kuryente para pakinabangan ng libre!”, magiliw na tugon ni NF. “Talaga po libre?”, masayang tanong ni Nico.

      “Oo! Misteryo itong nawala noon. Saan mo ba ‘to nakuha?”, pagtataka ni NF. “Binigay po ni Lucio isang taong kidlat.”, nakangiting sagot ni Nico. “Ha? Taong kidlat?”, hindi makapaniwala si NF. “Huwag n’yo na pong alamin, ang importante alam n’yo po bang gawin ‘yang Tesla Generator?”, masayang tanong ulit ni Nico. “Susubukan ko.”, sagot ni NF.

     Pagkatapos basahin ni NF ang blue-print, agad niyang sinimulan ang pagbuo sa Tesla Generator katulong si Nico. Halos hindi na kumain ang dalawa sa sobrang pagkaabala.

      Bandang hapon nang sila ay matapos. Tagumpay, nabuo nila ang Tesla Generator. Masayang-masaya ang dalawa.

      Tulad ng bilin ng taong kidlat na si Lucio, gumawa ng maraming kopya ng blue-print ni Nikola Tesla si Nico upang ipamahagi sa mga kapitbahay. Si NF naman ang nagturo sa mga robots kung paano buoin ang Tesla Generator.

     Lumakas na muli ang Lolo ni Nico. Maliwanag na muli ang kanilang komunidad dahil sa libreng kuryenteng hatid ng Tesla Generator. Bumagsak ang negosyo ni Mr. Al Morce at hindi na sila kontrolado nito.

      Masaya at masigla na ulit ang mga robots. Natutuhan na nilang pahalagahan ang likas na yamang bigay ng mundo. Natuto na silang gamitin ito ng wasto, balanse at hindi abusado.
     

Lunes, Mayo 20, 2013

Filipo's Time



Taong kasalukuyan, may isang bata sa Maynila na nagngangalang Filipo ang napakahilig maglaro ng computer at video games. Malimit siyang ma-late sa eskwela at paborito niya ang mga salitang “Mamaya na.”, “Maaga pa.”, at “Bukas na lang.”.

      Sa umaga ganito lagi ang kanilang eksena, “Anak gising na mahuhuli ka  na naman sa school mo.”. “Mamaya na Mommy maaga pa naman e..”, antok na tugon ni Filipo. Kapag inaaya siyang mamasyal ng kanyang Mommy, “Anak tara pasyal tayo sa Luneta tapos punta tayong mall.”. “Bukas na lang Mommy nagdo-DOTA pa ko e.”, payamot na sagot lagi ni Filipo. Kapag inuutusan siya,  “Anak bili ka nga muna sandali ng suka kay Aling Taleng.”. “Mamaya na Mommy, ayan kinain tuloy ng mga Zombies ‘yung Plants ko, Mommy naman e..”, nagmamaktol na sagot niya. Kapag may assignments siya,  “Hmp.. Maaga pa, maglalaro muna ko ng Ragnarok. Bukas ko na lang gagawin assignments ko.”.

      Ang hindi alam ni Filipo matagal na siyang inoobserbahan ng Diyos ng Oras at Galaw ng Kosmiko na si Bangun Bangun dahil sa pagbalewala at hindi niya pagrespeto sa oras.

      Isang dapit-hapon habang naglalaro ng kanyang paboritong video game si Filipo biglang umuga ang computer monitor niya, nanginig ang keyboard at isang Black Hole ang unti-unting nabubuo sa loob ng kanyang kwarto. Natakot si Filipo kaya mabilis siyang tumakbo papuntang pintuan habang sumisigaw ng “Mommy! Mommy!”. Hindi niya mabuksan ang pinto dahil natutulak ito ng malakas na hangin na nagmumula sa Black Hole. 

      Hanggang sa isang malaking kamay na kumukutitap ang dumampot kay Filipo papasok sa Black Hole, napasigaw na lamang siya ng “Huwaaag! Ayokooo! Mommy tuloooooong!”.

      Napunta si Filipo sa isang makulay subalit kakaibang lugar. Maraming orasan sa paligid at mukhang cartoons ang lahat. Nagtaka siya sa suot niyang red baseball cap at blue t-shirt na parehong may malaking print na letter “F” sa gitna at nasa loob ng bilog. Mayron siyang black na stopwatch at puruntong shorts, knee-high ang white socks, at tumutunog ng “toink-toink!” ang sapatos kapag inilalakad.

      Biglang sumulpot si Bangun Bangun, “Welcome! Ako si Bangun Bangun, Diyos ng Oras at Galaw ng Kosmiko. Andito ka ngayon sa loob ng isang video game.”. “Video game?!! Pa’no nangyari ‘yun?”, gulat na tanong ni Filipo. “Kasi hindi ka marunong rumespeto sa oras at hindi laging on-time.”, mahinahon at seryosong sagot ng Diyos ng Oras. “Parang awa n’yo na po please ibalik n’yo na ko sa amin, hahanapin po ako ng Mommy ko..”, pakiusap ni Filipo.

      “Makakabalik ka lang kung matatapos mo ‘tong laro sa loob ng sixty minutes. Kapag lumagpas du’n, hindi ka na makakaalis dito forever!”, nakangiting sabi ni Bangun Bangun. “Forever?! Sixty minutes.?! Ikli naman!”, nataranta si Filipo. “Anong klaseng laro po ba ‘to?”, dugtong niya. “HAHAHA! Your time starts NOW!”, unti-unting naglaho si Bangun Bangun, at nagsimula na din mag-countdown ang stopwatch. “Sandali po!”, habol  niya.

      Dahan-dahan namang lumalapit kay Filipo ang isang matandang babae na may hawak na tungkod at lumang aklat nang hindi niya namamalayan, “Ang propesiya, ang propesiya..”, bulong nito. Nagulat si Filipo nang sumigaw ang matanda ng, “Mga kababayan! Ang propesiya narito na!”.

      Nagdagsaan papunta kay Filipo ang mga nilalang doon. Halos kasing tangkad niya lahat, sabay-sabay silang nagsasalita ng “Ang propesiya! Ang propesiya!”, pinalibutan siya ng mga ito. “Ha?! Anong propesiya?!”, pagtataka ni Filipo.

      “Ikaw ang propesiya!”, pinakita ng matanda kay Filipo ang isang larawan mula sa pahina ng aklat na hawak nito. Hindi makapaniwala si Filipo, kamukhang-kamukha niya iyon pati kasuotan.

      “Pakiusap tulungan mo kame, iligtas mo ang aming Prinsesang Nakaupo sa Tasa sa kamay ni Haring Horos..”, pagmamakaawa ng isang batang babae. Sabay-sabay na naman nagsalita ang iba pa, “Tulungan mo kame, iligtas mo ang Prinsesang Nakaupo sa Tasa!” Napaisip si Filipo, “Parang alam ko na ‘to. ‘Yun ang game. Kaylangan kong iligtas ang Prinsesa para makaalis dito.”, habang hinihimas ang baba. “Sige po. Tutulungan ko kayo. Ililigtas ko ang Prinsesang Nakaupo sa Tasa!”. Tuwang-tuwa at nagpapalakpakan ang  lahat ng nilalang, meron pang sumisipol ng “weet-weew” at may humihiyaw ng “Yeheeey!”.

      Itinuro ng matanda kay Filipo ang daan papunta sa kaharian ni Haring Horos, twenty-five minutes ang nabawas sa stopwatch.

      Pagdating sa kaharian, isang Alarm Clock na guwardiya ang humarang kay Filipo, “Makakapasok ka lamang kung mabibigyan mo ko ng ginto.”. “Ginto? Sa’n ako kukuha ng ginto?”, gulat na tanong ni Filipo. “tik-tak-tik-tak..”, sabi  ng Alarm Clock. Napaisip si Filipo, lumipas ang dalawang minuto, “Ginto. Alarm Clock.. Alam ko na! Time is Gold!”.

      “Eto, bibigyan kita ng oras sa stopwatch ko!”, alok ni Filipo. “Very good!”, nakangiti ang Alarm Clock sabay hawak sa stopwatch ni Filipo. Nabawasan iyon ng tatlong minuto. Agad pinapasok si Filipo. Tinignan niya ang stopwatch, thirty minutes na lang ang natitira.

      Pagpasok sa palasyo agad siyang binati ni Haring Horos na nakaupo sa trono katabi ang Prinsesang Nakaupo sa Tasa, “Haha! Ang propesiya. You’re late, you’re late, for a very important…Nevermind, nakalimutan ko. Anyway, kung gusto mong mailigtas ang Prinsesa kaylangan mong malampasan ang tatlong pagsubok ko. Una, buoin mo ang Jigsaw Puzzle Clock na ‘yan na nagsasabing ‘three-thirty-three’ in ten minutes gamit ang paa. Hahaha!”.

      Nine minutes lang ang lumipas buo agad ni Filipo ang Jigsaw Puzzle. “Mahusay. Easy round lang ‘yan. Next. May tatlong Sundial na wala sa oras. Kaylangan mong ayusin ang pwesto nila sa tamang oras na Ala-sais, Alas-nuebe, at Alas-dose gamit ang ilaw na nandiyan. Sampung minuto. GO!”

      Medyo nahirapan si Filipo, naubos ang sampung minuto bago naiayos ang tatlong Sundial. Eleven minutes ang natitirang oras sa stopwatch. “Pinapahanga mo ko boy! Pero sigurado dito sa ikatlo hindi ka na mananalo, hahaha! Eto ang tanong: ‘Kung ang Pendulum Clock ay tumutunog kada twenty-three minutes, anong oras ulit ito tutunog kung tumunog na ng Nine-twenty-three?’, but wait! Kaylangan mong sagutin ‘yan sa pamamagitan nang pagtulak ng malaking kamay ng orasan na ‘yan sa tamang oras. Muli, in ten minutes, GO! Haha!”.

      Isang minuto din ang lumipas nang maisip ni Filipo kung anong oras ulit tutunog ang Pendulum Clock. Inuna niyang itulak ang Minute Hand, manipis ito kaya medyo magaan.  Makalipas ang tatlong minuto naitapat na niya ito sa tamang posisyon. Agad naman niyang isinunod ang Hour Hand, mabigat ito dahil bukod sa mahaba na makapal pa kaya hirap si Filipo at natatagalan, sinasabayan pa iyon nang pangaasar ni Haring Horos.

      Ayan konti na lang, maitatapat na ni Filipo sa tamang posisyon ang Hour Hand. Ten..nine..eight.. Pawis na pawis si Filipo. Three..two..one.. Sakto pagdating ng zero tumunog ang Pendulum  Clock, “Dong-dong-dong!”.

      Tagumpay si Filipo. “Hindeeeeee!”, sigaw ni Haring Horos habang nagdadabog. Yumakap naman ang Prinsesang Nakaupo sa Tasa kay Filipo.

      Matapos magpasalamat ng Prinsesa at mga nilalang roon kay Filipo, ibinalik agad siya ni Bangun Bangun sa kanyang kwarto. Namalayan na lang niya na nakaupo siya sa harap ng kanyang computer na parang walang nangyari.

      Tumakbo si Filipo sa kanyang Mommy na kasalukuyang naghahanda ng meryenda, niyakap niya ito nang mahigpit. Nagtaka naman ang kanyang Mommy pero natutuwa. Simula nu’n hindi na nale-late sa school si Filipo, sumusunod agad siya sa mga utos, at inuuna nang gawin ang mga assignments bago maglaro ng computer games. Higit sa lahat hindi mo na maririnig sa kanya ang mga salitang, “Mamaya na.”, “Maaga pa.”, at “Bukas na lang.”.  


Bakit Pinapagalitan ang Batang Makulit



Noong unang panahon may isang bahay sa kanayunan na kulay Pink at may maliit na hardin sa bakuran. Doon nakatira sila Papa, Mama, at Lily.

      Sakit sa ulo ng kanyang mga magulang si Lily. Masyado siyang pasaway, makulit at matigas ang ulo kaya naman parati siyang napapagalitan ng mga ito.

      Isang gabi matapos kagalitan dahil sa nilaro niyang pagkain, nagkulong si Lily sa kanyang kwarto at nagiiyak. “Parati na lang nila kong pinapagalitan, hindi ko naman sinasadya ah. Hindi na ata nila ko love..”, tulo luha at baradong ilong na iyak ni Lily.

      Hanggang sa makatulog siya nang hindi namamalayan. Naglakbay ang kanyang diwa sa loob ng panaginip. Mukha itong pinaghalong mundo ng mga fairytales at fantasy  stories na kanyang nabasa o napanood.

      Sinundan niya kung saan patungo ang Yellow Bricks.

      Napadpad si Lily sa medyo may kalakihang bahay na gawa sa gelatin at gulaman. Sinalubong agad siya ni Ms. Jelly Tin na siyang mayari ng bahay.

      “Hello Lily. Come in! Kanina pa kita inaantay.”, nakangiting pagbati ni Ms. Jelly Tin habang nagtataka naman si Lily.

      Pagpasok sa loob natabig ni Lily ang isang pusang pigurin na gawa sa candy, “Ok lang ‘yan halika dali pasok.”, nakangiting anyaya ni Ms. Jelly Tin. “Hindi n’yo po ako pagagalitan?”, takang tanong ni Lily. “Bakit naman kita pagagalitan? Halika maupo ka na dito at kumain.”, nakangiti pa din si Ms. Jelly Tin.

      Natuwa si Lily kaya agad siyang naupo sa harap ng mesa. Lalu siyang natuwa nang makitang puro paborito niyang pagkain ang nakahanda tulad ng ice cream, cakes, pastries, potato chips, cheese curls, at inuming softdrinks, syempre madaming gelatin at gulaman.

      “Wow ansarap ng mga ‘to!”, tuwang-tuwa si Lily hindi niya alam kung anong uunahin.

      Nang magsawa, hindi niya naubos ang kinuhang pagkain kaya nilaro na lang niya iyon at ikinalat sa buong Dining Room. Hindi naman siya pinagalitan ni Ms. Jelly Tin bagkus sinabihan pa itong maglaro ng tubig sa labas pagkatapos.

      “Ansaya naman po dito! Walang bawal, lahat pwede!”, tuwang-tuwang sabi ni Lily. “Oo naman Lily pero kaylangan mo nang umuwi balik ka ulit ha?”, anyaya ni Ms. Jelly Tin. “Sigurado po ‘yun!”, nakangiting sagot ni Lily.

      Kinagabihan habang naghahapunan si Lily at kanyang magulang napagalitan na naman siya dahil sa pakikipagaway sa kaklase.

      Nang matapos magsermon ang kanyang Mama at Papa agad siyang dumeretso sa kanyang kwarto pero hindi upang umiyak kundi para matulog.

            Nagpunta na naman siya sa bahay ni Ms. Jelly Tin, Malaya na naman siya at nagagawa ang gusto.

      Nagpabalik-balik si Lily sa panaginip, naging gawi na niya ito matapos pagalitan ng magulang. Hanggang sa napagdesisyunan na niyang ‘wag nang umalis sa bahay ni Ms. Jelly Tin.

      “Talaga dito ka na titira?”, tuwang-tuwa si Ms. Jelly Tin. “Opo, ayoko na samin lagi naman akong pinapagalitan doon e.”, sagot ni Lily habang sila’y magkaakap.

      Naglaro nang naglaro si Lily. Nagkalat, nagbasag, nagdumi. Nagaksaya ng pagkain, tubig at iba pa. Lahat ginawa niya, walang bawal.

      Samantala nagtaka naman ang Mama ni Lily nang tanghali na ay hindi pa siya bumababa para magalmusal kaya agad niya itong pinuntahan sa kwarto. “Lily anak tanghali na bangon na mahuhuli ka na sa school mo.”, subalit nagtaka siya nang hindi ito sumasagot.

      Makailang beses niyang ginising si Lily pero wala pa din kaya nataranta na ang Mama niya at tinawag ang asawa. Pinulsuhan nito si Lily, humuhinga pa naman subalit walang malay.

      Hindi na nagaksaya ng panahon ang magasawa, agad nilang sinugod si Lily sa pinakamalapit na ospital.

            Wala namang nakitang problema ang doktor pero hindi niya maintindihan kung bakit walang malay si Lily. Pinayuhan niya ang magasawa na ilagi muna sa ospital si Lily para maobserbahan.

      Doon naman sa panaginip, hindi namalayan ni Lily na tumaba na siya, lumobo at bumigat ang katawan. Sumasakit na din ang kanyang tiyan dahil sa kakakain ng matamis. Humantong na din na nabagot na siya sa kanyang mga ginagawa doon.

      “Namimiss ko na sila Mama at Papa..”, malungkot na sabi ni Lily. “Bakit ayaw mo na ba maglaro? Etong cake o kain ka pa.”, nakangiting alok ni Ms. Jelly Tin.  “Nakakamiss din pala ‘yung may nagbabawal sayo, may nagsasaway. Mahal pala nila ko. Naintindihan ko na ngayon kung bakit nila ko pinapagalitan, para maging mabuting bata ako. Gusto ko nang umuwi!”. Madiing sabi ni Lily.

      “Hindi ka na makakauwi! Dito ka lang! Sasamahan mo ko! Maglalaro tayo ng maglalaro!”, lumaki ang boses ni Ms. Jelly Tin at unti-unti siyang naging halimaw, halimaw na gelatin. “Aaaaaahhh!”, natakot si Lily binato niya ng cake sa mukha ang halimaw sabay takbo.

      Naghabulan ang dalawa sa buong bahay. Ilang beses na kamuntikang maabutan ng halimaw si Lily mabuti na lamang at nakakalusot siya. “Hahaha! Ito ang gusto mo ‘di ba?! Pwes hindi ka na makakaalis dito! Hahaha!”, humahagalpak na tawa ng halimaw.

      Nakalabas ng bahay si Lily subalit hindi niya mahanap ang labasan sa panaginip. Paikot-ikot lang sila at unti-unting nasisira ang mundong iyon. Pasikip na nang pasikip ang kanyang nalulusutan at napagtataguan.

      Habang nangyayari iyon sa loob ng panaginip ni Lily alalangalala naman ang mga magulang niya sa kanya. Tumataas-bumababa kasi ang guhit sa Heart Monitor na nakasaksak sa kanya.

      “Anak kung nasan ka man bumalik ka na. Promise hindi na kita pagagalitan. Nagagawa ko lang naman ‘yun dahil para din sayo anak para mapabuti ka. Mahal na mahal ka namin ng Papa mo anak.”, umiiyak na sabi ng kanyang Mama habang hawak ang kamay ni Lily. Hinihimas naman ng kanyang Papa ang likod ng asawa.

      Narinig ni Lily ang mga sinabing iyon ng kanyang Mama, naluha siya. “Mama, Papa antayin n’yo ko pabalik na ko diyan.”, matapang niyang sabi habang hinahabol ng halimaw.

        Mula doon nakita niya ang isang pintuan na unti-unting lumiliit. Binilisan niya ang takbo, kaunti na lang maabutan na siya ng halimaw. “Hindi ka makakalabas ditooo!”, sigaw ng halimaw sabay pahaba sa kanyang galamay.

      Nakalusot si Lily sa lagusan subalit nahawakan ng halimaw ang kanyang paa. Nagpupumiglas si Lily hanggang sa maalala niya ang candy pops na nasa bulsa. Isinaboy niya iyon sa halimaw. Nagputukan ang candy pops at nabitawan siya ng halimaw, tuluyang nakalusot sa lagusan si Lily.

     “Mama, Papa.”, ang unang sambit ni Lily pagkadilat. “Anak.. anak..”, lumuluhang sabi ng kanyang Mama habang mahigpit siyang akap nito. Hinalikan naman siya sa noo ng kanyang Papa.

      “Ma, Pa. Simula po ngayon susunod na ko lagi sa utos n’yo hindi na po ako magpapasaway. Naiintindihan ko na po ngayon kung bakit n’yo ko pinapagalitan.”, seryosong sabi ni Lily. “Salamat anak. Mahal na mahal ka namin ng Papa mo.”, naluluha pa din ang kanyang Mama habang sila’y magkakayakap.

      Nung araw din na ‘yun lumabas ng ospital si Lily. Namasyal sila ng kanyang pamilya at nag-bonding. Naging mabuting bata si Lily, may oras na lumalabas pa din ang kanyang kakulitan subalit nauunawaan na niya ngayon kung bakit siya pinapagalitan.