A prominent secret member of a well-known secret society, a secret group from not so far away invisible landscape who trespass into this physical plane to bring entertainment and enlightenment to mankind manifesting through multimedia form.
Biyernes, Enero 9, 2015
LABABO [short story]
"Lababo"
[a short story] by Gen Thalz
Liquid detergent soap.
2 tasang mainit na tubig
Wanted Tubero/02-3656760
Boy Kuko
10am. Lunes. Tulad nang kinagawian, eksakto-impunto sa oras kung buksan ng mga gwardiya ang mga pintuan ng isang mall sa Quezon City. Madami agad tao, nagaabang, nagmamadaling makapasok. Kaya naman pagbukas ng pintuan mistulang mga nakawala sa hawla ang mga mamimili sa pagmamadali na para bang last day na ng mall. Ambibilis maglakad lalu na yung isang babae na naka-sleeveless, "pek-pek" short, at high-heels na mga 3 inches ang taas. May dala syang paper bag at patungo sa palikuran.
Pagdating sa banyo agad sya dumeretso sa isang cubicle, binuksan ang pintuan at biglang napatili, "Aaaaaaaaaaaaaaaaah!". Umalingawngaw ang tili, naalarma ang mga gwardiya. Pinuntahan agad ang nasabing cr at dito nila nasalubong ang babae na humahangos, "May lalake...may lalake...!", hinihingal nitong sabi. "Anong lalake? Kabubukas lang ng mall.", "Meron! Andun sa female, sa cubicle!". Pinasok ng dalawa sa gwardiyang rumispunde ang cr. Dito nila nakita ang isang lalake, naka-sando, pantalon, ngunit walang sapin sa paa ang hindi magkamayaw kung panong tatakas.
"Hoy! Tigil!", sigaw ng isang gwardiya habang nakatutok ang baril. Huminto naman agad ang lalake at nagtaas ng kamay, "Wala kong kasalanan... Nagaayos lang ako ng lababo, hindi ko alam bat ako napunta dito.. Asan ako?!.", pagsusumamo nito. Agad siyang dinakma at binitbit palabas ng dalawang gwardiya, "Anong hindi mo alam, sa opisina ka namin magpaliwanag! Ang aga-aga nang gugulo ka dito!", yamot na sabi ng isang gwardiya.
Dinala ang lalake sa isang silid ng security office kung saan ini-interrogate ang mga nahuhuling shoplifters, nawawalang bata at iba pang violators ng mall. Medyo mainit sa loob, walang bintana at tanging ceiling fan lang ang nagsisilbing hangin doon. Pagpasok ng chief security sa silid, "Bakit ka nasa cr ng mga babae? Mamboboso ka no? Ang aga-aga, may dala ka pang flashlight ha, at anong gagawin mo dito sa liyabe ha?!", "Sir wala kong kasalanan papaliwanag ko po 'yan, wala ho kong ginagawa, nagaayos lang ako ng-", "Lahat naman sinasabi 'yan...", snob na sagot ng pulis habang nagbubuklat ng notebook gamit ang daliring nilawayan.
"Ganto po kasi 'yun sir, aayusin ko sana 'yung baradong lababo namin sa bahay. Nung binuksan ko yung pinto sa baba mismo ng lababo kung nasan ang tubo, nagtaka ko bakit parang anlayo nito. Kaya kumuha muna ko ng flashlight (sabay tingin sa flashlight na nasa mesa). Gumapang ako paloob para abutin ang tubo kaso nagtataka ko bat parang hindi ko maabot, palayo nang palayo...", "Tapos ano? Bigla ka nahulog sa kawalan at namalayan mo na lang nandun ka na sa cr?", singit ng chief security na bugnot sa salaysay ng lalake. "Ganun nga ho! Pano nyo nalaman sir?", gulat na sabi ng lalake. Suminghal ang chief security, "Lakas ng tama mo boy, ano ba tinira mo?", "Sir maniwala kayo, nagsasabi ko ng totoo! Hindi ko talaga alam bat ako nandito! Hindi ko nga alam anong lugar 'to, kung nasan ako?! Please naman sir...". Hindi nakikinig si chief tuloy lang ito sa pagsulat sa notebook, "Pati binigay mong ID kagaguhan e...", "Sir lisensya ko talaga 'yun... Please sir maniwala kayo...", "Pangalan mo ulet?", "Felisto po (tinignan sya pailalim ni chief). Felisto Swaklantora ho.". Napakunot ang noo ng chief security, "Anong klaseng pangalan 'yan? Sulat mo.". Yamot nitong sabi sabay abot ng notebook at ballpen sa lalake.
Matapos maisulat ng lalake ang kanyang pangalan, tumayo si chief. "Sandali nga, 'wag kang aalis dyan. Tse-tsekin ko lang 'yung pina-research ko.". Naghimas lang ng mukha ang lalake gamit ang dalawang palad pataas sa buhok sabay yuko habang nakadiin ang dalawang kamay sa ulo at pilit iniisip kung nasan sya at panong napunta sya sa lugar na 'yun. Ibinilin naman ni chief sa gwardiyang nakaupo sa labas ng pintuan ng silid na bantayan ang lalake.
"Balita?", "Sir walang record sa kahit saan ang lalake, maski ang ahensyang nag-issue ng lisensya nya wala din.", "Sinasabi ko na nga ba...", "Pero sir may nabasa ko sa net tungkol sa Biringan City na nasa address nung lalake.", "Ano isa daw itong lugar tambayan ng mga batang sabog?", "Hindi sir, kwentong kababalaghan (nagsalubong lang ng kilay si chief). Invisible city raw ito sa may bandang Samar. Parang lugar ng mga engkanto ba na 'di sinasadyang napupuntahan ng mga taga--dun. 'Di ko alam kung totoo sir pero natalakay din pala 'to sa Mel & Joey noon, panoorin nyo to...", salaysay ng gwardiyang naatasang mag-research ni chief. Natatawa si chief pero seryoso pa din nyang pinanood ang sinasabing video sa youtube.
"Kalokohan 'yan! Ginagago lang tayo ng ungas na 'yun!", inis na sabi ni chief habang pabalik sa silid na ilang hakbang lang ang layo mula sa computer desk bitbit ang lisensya ng lalake. "Ok. Tama na ang lok-", napahinto ang chief dahil wala dun ang lalake. Agad sinita ang bantay, "Asan 'yung lalake?!", "Sir andyan po, wala pong lumalabas dito kanina pa...", "PUNYETA! WALA NGA!!!". Nagkagulo ang mga sekyu na naroon sa security office dahil sa bulyaw na 'yun ni chief. Lahat sila walang nakita o hindi nakitang lumabas sa silid ang lalake at maliit lang ang office para hindi nila mapansin 'yun kaya naman lahat ay nagtataka. Pina-check ng chief sa cctv monitors, wala din. Ginalugad nila ang buong opisina kung may posibleng malulusutan, wala din. Tanging liyabe at flashlight lang ang naiwang bakas roon ng lalake pati na din ang lisensya nito na hawak ni chief.
~ END ~
Mga etiketa:
Biringan City,
Gen Thalz,
Lababo,
minimal,
mystery,
sci-fi,
short story,
story
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento