A prominent secret member of a well-known secret society, a secret group from not so far away invisible landscape who trespass into this physical plane to bring entertainment and enlightenment to mankind manifesting through multimedia form.
Biyernes, Enero 9, 2015
LABABO [short story]
"Lababo"
[a short story] by Gen Thalz
Liquid detergent soap.
2 tasang mainit na tubig
Wanted Tubero/02-3656760
Boy Kuko
10am. Lunes. Tulad nang kinagawian, eksakto-impunto sa oras kung buksan ng mga gwardiya ang mga pintuan ng isang mall sa Quezon City. Madami agad tao, nagaabang, nagmamadaling makapasok. Kaya naman pagbukas ng pintuan mistulang mga nakawala sa hawla ang mga mamimili sa pagmamadali na para bang last day na ng mall. Ambibilis maglakad lalu na yung isang babae na naka-sleeveless, "pek-pek" short, at high-heels na mga 3 inches ang taas. May dala syang paper bag at patungo sa palikuran.
Pagdating sa banyo agad sya dumeretso sa isang cubicle, binuksan ang pintuan at biglang napatili, "Aaaaaaaaaaaaaaaaah!". Umalingawngaw ang tili, naalarma ang mga gwardiya. Pinuntahan agad ang nasabing cr at dito nila nasalubong ang babae na humahangos, "May lalake...may lalake...!", hinihingal nitong sabi. "Anong lalake? Kabubukas lang ng mall.", "Meron! Andun sa female, sa cubicle!". Pinasok ng dalawa sa gwardiyang rumispunde ang cr. Dito nila nakita ang isang lalake, naka-sando, pantalon, ngunit walang sapin sa paa ang hindi magkamayaw kung panong tatakas.
"Hoy! Tigil!", sigaw ng isang gwardiya habang nakatutok ang baril. Huminto naman agad ang lalake at nagtaas ng kamay, "Wala kong kasalanan... Nagaayos lang ako ng lababo, hindi ko alam bat ako napunta dito.. Asan ako?!.", pagsusumamo nito. Agad siyang dinakma at binitbit palabas ng dalawang gwardiya, "Anong hindi mo alam, sa opisina ka namin magpaliwanag! Ang aga-aga nang gugulo ka dito!", yamot na sabi ng isang gwardiya.
Dinala ang lalake sa isang silid ng security office kung saan ini-interrogate ang mga nahuhuling shoplifters, nawawalang bata at iba pang violators ng mall. Medyo mainit sa loob, walang bintana at tanging ceiling fan lang ang nagsisilbing hangin doon. Pagpasok ng chief security sa silid, "Bakit ka nasa cr ng mga babae? Mamboboso ka no? Ang aga-aga, may dala ka pang flashlight ha, at anong gagawin mo dito sa liyabe ha?!", "Sir wala kong kasalanan papaliwanag ko po 'yan, wala ho kong ginagawa, nagaayos lang ako ng-", "Lahat naman sinasabi 'yan...", snob na sagot ng pulis habang nagbubuklat ng notebook gamit ang daliring nilawayan.
"Ganto po kasi 'yun sir, aayusin ko sana 'yung baradong lababo namin sa bahay. Nung binuksan ko yung pinto sa baba mismo ng lababo kung nasan ang tubo, nagtaka ko bakit parang anlayo nito. Kaya kumuha muna ko ng flashlight (sabay tingin sa flashlight na nasa mesa). Gumapang ako paloob para abutin ang tubo kaso nagtataka ko bat parang hindi ko maabot, palayo nang palayo...", "Tapos ano? Bigla ka nahulog sa kawalan at namalayan mo na lang nandun ka na sa cr?", singit ng chief security na bugnot sa salaysay ng lalake. "Ganun nga ho! Pano nyo nalaman sir?", gulat na sabi ng lalake. Suminghal ang chief security, "Lakas ng tama mo boy, ano ba tinira mo?", "Sir maniwala kayo, nagsasabi ko ng totoo! Hindi ko talaga alam bat ako nandito! Hindi ko nga alam anong lugar 'to, kung nasan ako?! Please naman sir...". Hindi nakikinig si chief tuloy lang ito sa pagsulat sa notebook, "Pati binigay mong ID kagaguhan e...", "Sir lisensya ko talaga 'yun... Please sir maniwala kayo...", "Pangalan mo ulet?", "Felisto po (tinignan sya pailalim ni chief). Felisto Swaklantora ho.". Napakunot ang noo ng chief security, "Anong klaseng pangalan 'yan? Sulat mo.". Yamot nitong sabi sabay abot ng notebook at ballpen sa lalake.
Matapos maisulat ng lalake ang kanyang pangalan, tumayo si chief. "Sandali nga, 'wag kang aalis dyan. Tse-tsekin ko lang 'yung pina-research ko.". Naghimas lang ng mukha ang lalake gamit ang dalawang palad pataas sa buhok sabay yuko habang nakadiin ang dalawang kamay sa ulo at pilit iniisip kung nasan sya at panong napunta sya sa lugar na 'yun. Ibinilin naman ni chief sa gwardiyang nakaupo sa labas ng pintuan ng silid na bantayan ang lalake.
"Balita?", "Sir walang record sa kahit saan ang lalake, maski ang ahensyang nag-issue ng lisensya nya wala din.", "Sinasabi ko na nga ba...", "Pero sir may nabasa ko sa net tungkol sa Biringan City na nasa address nung lalake.", "Ano isa daw itong lugar tambayan ng mga batang sabog?", "Hindi sir, kwentong kababalaghan (nagsalubong lang ng kilay si chief). Invisible city raw ito sa may bandang Samar. Parang lugar ng mga engkanto ba na 'di sinasadyang napupuntahan ng mga taga--dun. 'Di ko alam kung totoo sir pero natalakay din pala 'to sa Mel & Joey noon, panoorin nyo to...", salaysay ng gwardiyang naatasang mag-research ni chief. Natatawa si chief pero seryoso pa din nyang pinanood ang sinasabing video sa youtube.
"Kalokohan 'yan! Ginagago lang tayo ng ungas na 'yun!", inis na sabi ni chief habang pabalik sa silid na ilang hakbang lang ang layo mula sa computer desk bitbit ang lisensya ng lalake. "Ok. Tama na ang lok-", napahinto ang chief dahil wala dun ang lalake. Agad sinita ang bantay, "Asan 'yung lalake?!", "Sir andyan po, wala pong lumalabas dito kanina pa...", "PUNYETA! WALA NGA!!!". Nagkagulo ang mga sekyu na naroon sa security office dahil sa bulyaw na 'yun ni chief. Lahat sila walang nakita o hindi nakitang lumabas sa silid ang lalake at maliit lang ang office para hindi nila mapansin 'yun kaya naman lahat ay nagtataka. Pina-check ng chief sa cctv monitors, wala din. Ginalugad nila ang buong opisina kung may posibleng malulusutan, wala din. Tanging liyabe at flashlight lang ang naiwang bakas roon ng lalake pati na din ang lisensya nito na hawak ni chief.
~ END ~
Mga etiketa:
Biringan City,
Gen Thalz,
Lababo,
minimal,
mystery,
sci-fi,
short story,
story
Biyernes, Enero 2, 2015
AKSIDENTE [a short story] by Gen Thalz
Quartz
Lug End Sweep Slip
14.3553 N, 120.5843 E
Black Strap Leather (left)
Disclaimer: kung may kaparehong pangalan ang mga tauhan sa kwentong ito sa totoong buhay ay sadyang nagkataon lamang...
"AKSIDENTE"
[a short story] by Gen Thalz
Escolta, 1992. Dakong alas-onse y medya ng tanghali nang biglang magkagulo ang mga tao sa nasabing kalye dahil sa isang aksidente. Dali-daling tumakbo ang mga nakasaksi papunta sa pinangyarihan upang tulungan ang naaksidente. "Tumawag agad kayo ng ospital!", sigaw ng ilan. "Meron bang may alam dito sa first-aid?!", pasigaw din na sabi ng lalaking pinupulsuhan ang biktima. "Teka tatawag ako ng pulis!", sabi naman ng isang ale.
Ilang minuto din ang lumipas bago dumating ang rescue team ng Binondo Hospital at ilang kapulisan. Subalit huli na ang lahat. Dead on the spot ang lalaking biktima na kinilala sa pangalang Aries Dale Dimayuga. Clean cut ang buhok, may kapayatan, medyo maputi, at tinatayang nasa 5'4 hanggang 5'6 ang taas. Naka-rubber shoes kulay red, off-white skinny jeans, at black t-shirt na may print ng logo ni Flash Gordon. "Pare ayos ka lang ba?", bati ng kasamahan ni SPO1 Santos sa kanya habang siya'y nakatitig na nagtataka sa student ID ng bata.
Alas-dos kinse. Naalimpungatan sa mahimbing na pagsi-syesta si Aling Baby dahil sa katok sa pintuan. Agad naman syang bumangon, sinuot ang Nora na sinelas, at pinatay ang nakatulugang noontime show. "Sandali lang eto na...", sabay bukas ng pinto. Bahagyang nagulat si Aling Baby nang makita ang dalawang pulis. "Magandang hapon po, dito po ba nakatira si Aries Dale Dimayuga?", "Sino ho? Aries...?", "Aries Dale Dimayuga po madam.", "Ay hindi ho, di ko po kilala 'yan. Ano po bang address?", inabot ng kasama ni SPO1 Santos kay Aling Baby ang isang papel. "Tama naman po ang address at apelyido pero wala po kong kilala na Aries Dale...", "E si Mr. Bernard Dimuyaga po madam?", "Opo sir dito nakatira, anak ko po 'yan, bakit ho anong nagawa ng anak ko?!", ninerbyos bigla si Aling Baby. "Andyan po ba sya? Maaari po ba naming makausap?", Tanong ng kasama ni SPO1 Santos. "Nasa Binondo Hospital sila ngayon, sinugod kaninang umaga ang asawa.", mabilis na tugon ni Aling Baby, nagkatinginan naman ang dalawang pulis na para bang may kung anong suspetsa ang naisip. "Sir ano po ba problema? May kasalanan po ba ang anak ko?", tensyonado na si Aling Baby. "Huminahon ho kayo ma'am, walang nilabag na kahit anong batas ang anak nyo, may ilang tanong lang kaming gustong linawin sa kanya. Relax lang po kayo dyan, una na ho kame at kaylangan namin syang makausap agad.", kalmado at magalang na sabi ni SPO1 Santos. "Sige ho...", na lang ang nasambit ni Aling Baby na labis na nagaalala habang tinitignan papalayo ang dalawang pulis.
Magbabandang alas-tres kwarenta ng hapon nang makarating sa Binondo Hospital ang dalawang pulis, pinagtanong agad nila ang hinahanap at mabilis naman nila itong natunton. "Mr. Bernard Dimayuga?", tanong ng kasama ni SPO1 Santos. Alistong napalingon ang lalaki na noo'y nakasilip sa glass window ng isang kwarto sa pagaakalang doktor ang tumawag sa kanya, kaya naman nagtaka siya nang makita ang dalawang pulis. "Ako nga ho, bakit po sir? Ano pong problema?", malumanay subalit malungkot na may halong takang sagot ni Bernard. "Tatanong lang namin kung ikaw ang ama ni -", "Anong ama?! Ano 'to joke?! Wala pa kong anak! Ayan nga ho hindi nyo ba nakikita nakunan ang misis ko first baby namin!", alsa-boses na pagsingit ni Bernard sa tanong ni SPO1 Santos nang mabanggit nito ang pagiging ama. Nagkatinginan naman ang dalawang pulis na para bang naguguluhan na. "Teka sir cool lang tayo, kaya ka nga namin tinatanong e para maliwanagan, ngayon sori tungkol sa nangyari sa baby nyo pero kaylangan kong malaman sayo kung kilala mo ba si Aries Dale Dimayuga?", biglang napatingin naman ng deretso si Bernard sa mata ni SPO1 Santos matapos nitong magpaliwanag. Nagisip sandali si Bernard na ngayo'y humupa na ang inis, marahan siyang sumagot ng "Pasensya na hindi ko kilala, wala kong kilalang ganyan.". "Sigurado ka sir?", sundot na tanong ng kasama ni SPO1 Santos, umiling lang si Bernard.
"Okay. Sige ganto na lang para matapos na, maynangyari kasing aksidente kanina sa may Escolta, patay ang biktima nasa morge sya ngayon dito din mismo sa ospital na 'to, Aries Dale Dimayuga ang pangalan", nagulat si Bernard sa nasabing balita. "Ngayon gusto namin ipakita sayo ang bangkay baka sakaling makilala mo dahil ikaw ang nakasulat na ama sa ID nya, kung ok lang sayo?", lalung nagulat si Bernard, hindi sya sumagot, mga ilang sandali din syang nagisip.
"Jane ikaw na muna bahala dito bantayan mo ate mo tumawag ka agad ng nurse kung ano man ha?", bilin ni Bernard sa nakababatang kapatid. "Opo kuya, ano pong nangyayari? San kayo pupunta?", "Wag ka magalala Jane, wala 'to ok lang ako basta bantayan mo ate mo ha pag nagising sya at hinanap ako sabihin mo may pinuntahan lang saglit.", "Opo kuya.".
Sa morge. "Sigurado ka hindi mo talaga kilala?", mahinahon na tanong ni SPO1 Santos kay Bernard na ngayo'y medyo balisa na matapos nitong makita ang bangkay at sabihing hindi nga nya kilala. "Hawig kayo ng mata o...baka anak mo sa labas di kaya?", singit naman ng kasama ni SPO1 Santos habang inilalapag ang ilang items sa mesa. Tahimik lang si Bernard parang di mapakali. "Tignan mo 'tong sapatos na suot nya, may ideya ka ba kung saan nakakabili nito? Kakaiba, ngayon lang ako nakakita ng ganyang design ng Adidas", may halong manghang sabi ni SPO1 Santos habang si Bernard tahimik na sinusuri ang sapatos at binasa sa isip ang tatak, "Adidas...Rose.". "Eto mas magtataka ka dito kung ano at para saan 'to, nakuha namin 'yan sa bulsa nya.", nakangiti at medyo natatawang sabi ni SPO1 Santos habang inaabot ke Bernard ang isang tim na bagay na hugis bilo-haba, medyo manipis, may apat na pindutan sa baba at malaking screen na kapag hinipo umiilaw. "Blackberry", bulong ni Bernard sa sarili matapos mabasa ang tatak. "Pakiwari namin telepono 'yan dahil sa mga simbolo sa pindutan, ang tanong saan galing 'yan? Dahil sa pagkakaalam namin wala pang ganyang technology sa ngayon, touchscreen? Wala pa kong nakikitang ganyang telepono. Hindi namin makita ang loob may password ata, papasuri pa namin 'yan sa computer expert. Wala ka ba talagang ideya Mr. Bernard?", sabi ni SPO1 Santos, tahimik lang si Bernard na ngayo'y nakatingin na sa bangkay.
"Eto pa nagtataka din kame dito sa laman ng wallet nya.", dito na nagulat ng husto si Bernard, "Ano 'to, bakit ganto itsura ng isang daan at singkwenta?! Saka itong mga five hundred bakit magkasama na si Ninoy at Cori?!", "Yan din ang tanong namin. Mahirap paniwalaan pero kung iisipin mo para syang galing sa future!", sabi ng kasama ni SPO1 Santos sabay abot ng student ID ng bata ke Bernard. Hindi na sya nagulat nang mabasa kung sino ang nakasulat sa In Case of Emergency Please Notify dahil ang labis na pumukaw ng atensyon nya ay ang school year nito.
"2011 to 2012. Diyan kame mismo naguguluhan. Pinakita na namin 'yan sa school kung saan sya nagaaral, malayo sa issue ng student ID nila ngayon at wala silang record ng pangalan nya... Ngayon tinatanggi mong anak mo sya, kung peke 'tong ID na 'to anong ibig sabihin ng lahat ng 'to Mr. Bernard? Bakit ikaw ang nakasulat na ama nya? 'Yung pera, 'yung gadget?!", "Kaya...kaya siguro...Hindi. HINDI! Hindi maaari!", nalilito at hindi makapaniwalang sabi sa sarili ni Bernard. "Ano 'yun Mr.Bernard? May sinasabi ka?", "Aries Dale.", sagot ni Bernard habang nagaantay ang dalawang pulis sa karugtong ng kanyang sasabihin. "Nung binanggit nyo palang kanina sa taas ang pangalang Aries Dale nagtaka na ko...dahil 'yun ang napagkasunduan namin ng misis ko na ipangalan sana sa panganay namin...". Hindi din makapaniwala si SPO1 Santos, "Ibig sabihin... Kung susumahin... 19... Anong oras nakunan ang misis mo?", "Siguro mga bandang alas-onse y medya 'yun? Bakit? 'Wag nyo sabihing-", "Sakto sa oras nung nangyari din ang aksidente...", payak at malumanay na tugon ng kasama ni SPO1 Santos.
~ End ~
Mga etiketa:
accidents,
Aksidente,
escolta,
Gen Thalz,
mystery,
perception,
quantum physics,
short story,
time slip,
time travel
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)