Biyernes, Marso 1, 2013

PWERA USOG, SINOK at iba pang KABABALAGHAN




Ok, alam ko 2013 na, pero hindi pa din kasi marubdob na naipapaliwanag ni lola ang misteryo sa likod ng paglaway sa nausog, may sinok na baby, at napanaginipang kaanak. Mangilan-ngilan na lang ang gumagawa nito ngayon subalit kung isinilang ka nung mga nagdaang dekada natitiyak kong nalawayan ka ng kapitbahay mo sa noo, talampakan, tiyan, likod, at dibdib nung sanggol o bata ka pa. Sakto naman kakakain lang niya ng singkamas with bagoong sa kanto. 



Kung mapapansin mo kasi, bukod sa imortal na mantra na “Pwera usog.”, pula-itim na bracelet, at anting-anting na maliit na pulang unan na piniperdible sa damit ni baby, laway ang siyang pangunahing sangkap panlunas at kontra sa sinasabing “usog”.  Ganun din sa sinok na maliban sa pagpapakulo ng hinubad na damit ni baby ay kaylangan mong pumigtas ng kaprasong pisi ng tela sa kanyang suot na damit, lawayan iyon, bilugin saka idikit sa noo ng sanggol na sinisinok.

                                                       Anting-anting kontra usog

Mistulang mahika negra naman na matapos maisakatuparan ang nasabing ritwal ay biglang kakalma mula sa pagaalburuto si baby, mawawala ang sinok, masigla na uli siya na para bagang nagdahilan lang. Idamay na din natin ang pagdura sa kalsada kapag tayo’y nadaanan ng convoy ng karo ng patay papuntang sementeryo at ang pagpahid ng krus gamit ang laway sa noo ng kamag-anak, kapamilya, o kaibigan na napanaginipan (Note: ‘Wag mo daw sasabihin sa lalawayan mo ‘yung mismong panaginip mo, ewan ko kung bakit).

Hmmm… Ano kayang karunungang itim ang nasa likod ng hiwagang ‘to? Lola please paliwanag mo ‘to, maawa ka sana sa mura naming kaisipan! ‘Wag n’yo ho kami paglaruan, hindi kami laruan…

Ok. Busy daw si lola, itu-twit na lang daw niya.

Samantala, tungkol sa usog, oo nga’t pamahiin lang nating mga Filipino ito ngunit may posibleng paliwanag ito sa agham kung bakit nangyayari. Maaaring dahil iyon sa hindi agad naka-adapt sa biglang pagbabago sa paligid ang baby hatid ng isang estranghero, bumisitang, kapitbahay o kamag-anak etc. Pwedeng dahil sa malakas nitong presensya, ingay, at amoy naguluhan ang bata. Na-stress, resulta upset stomach kaya nagsusuka, iinit katawan kaya nilalagnat, iyak ng iyak kasi hindi niya pa maintindihan ang kanyang nararamdaman. Ganito din ang nangyayari sa mga hayop na kahit ilang taon mo na silang alaga e magtataka ka bigla na lang mananakmal, mantutuklaw atbp.

About naman sa basang sinulid sa noo ni baby kapag sinisinok, lintek misteryo talaga ‘to! Unexplainable! The science community has been baffled by this for centuries. Tinangka na din itong pagtulungang aralin ng mga dalubhasang siyentipiko sa CERN subalit bigo sila na ma-decipher ang enigma na ito. Teka, sakto. Ito na nag-twit na si lola! Ang sabi niya…

@pinkgrandma69: Apo kaya saliva ang panggamot o pangontra sa usog, sinok at iba pang chenes ay sa kadahilanang nung ancient times pa lang (hindi ko na inabot ‘yon ha) pinaniniwalaan nang magical/curative liquid ang ating laway. Miski nga si Kristo gumamit ng laway niya pang gamot, alam mo ‘yung bulag na dinuraan niya sa mukha para makakita? Tancha ko ‘di mo alam. Apo, apo, magbasa ka ng bible jusko hindi puro Xerex at Talambuhay ni Jethro binabasa mo! Teka kung hindi ako nagkakamali mababasa mo ‘yun sa Mark…8… verse 22-26 ata. Not sure apo check mo na lang. GTG! <3 <3<3

Ayun kaya pala laway, ‘yun pala ang pinag-ugatan nu’n. Nalaman ko din na sa ibang cultures and belief na ang pagdura ay ginagamit to ward off bad luck, the infamous “evil eye”, and bad spirits. Kaya siguro dumudura din tayo kapag may dumadaang karo ng patay pero ibang usapan na ang “pendong may kotseng kuba” or kalbo.

On mystical level, kung bakit laway ay dahil sinisimbolo nito ang energy flow between this realm to another, a tip to the spiritual.

(Kaya din siguro pinaniniwalaang sumasama ang pakiramdam ng taong kumain sa kinainan ng buntis. Naagaw energy o aura niya?)

Dito na ngayon masasagot kung bakit nilalawayan ang sanggol para hindi mausog. Upang maging pamilyar or maabsorb ng bata ang “aura” or energy na taglay nung bumati sa kanya through saliva nang sa gayon hindi siya ma-stress or maguluhan sa biglaang pagbabago ng vibes sa kanyang paligid. Tukoy din dito ang dahilan kung bakit nilalagyan ng nilawayang sinulid sa noo ang batang sinisinok.



Lumang paniniwala din kasi na kapag may sinok it means hawak ka ng devil or may malapit na devil sa’yo, negative or bad energy (tulad sa pag hatsing, sinasabihan ng “God bless you.”). Sa noo upang protektahan ang “third eye” laban sa mga bad spirits. Alam naman nating lahat na ang third eye ang siyang mata natin sa ibang dimensions, sa spirit world. At halos lahat ng cultures naniniwala na kapag tayo ay baby pa bukas pa ang ating ikatlong mata.

Ganun din ang concept ng pag krus ng laway sa noo ng kaanak na napanaginipan, ‘yon ay upang kontrahin o suplahin ang masamang panaginip. Ewan lang sa konsepto ng Ash Wednesday, kung proteksyon ba ‘yun o warning na bawal buksan ang ikatlong mata? Ikaw na magpasya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento